MISYON Aksyon, grabe ang aming kalbaryo rito sa Barangay Busak Bahay nang pasimulan nila ang konstruksyon ng kalsada. Kasabay sa pagsasaayos ng drainage sa aming barangay ay pinagsabay na bakbakin ang kalsada na dapat po sana ay isang lane muna ang kanilang ginawa.
Wala tuloy makadaan na kahit anong uri ng mga sasakyan at iikot pa kami nang napakalayo sa halip na isang sakay lamang ay nagiging dalawang sakay pa kami. Ang masakit po nito puro kami lakad dahil walang anumang sasakyan ang maaaring dumaan sanhi ng mga binakbak na mga daan ng kontraktor sa magkabilaang kalsada.
August 14, 2018 nang simulan ang proyekto ng kontraktor na GCI Construction and Development Corporation at nakapaskil sa billboard na matatapos ang proyekto sa kanilang kontrata March 21, 2019 na pinondohan ng NDRRM FUND NY 2018, SR2018-03-008575.
May pondong mahigit P47,000,000 na bahagi sa proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte ng TRAIN.
May mga nagawa naman po pero kung susumahin ang porsyento ng kanilang ginawa ay nasa 40 porsiyento lamang, samantalang ubos na ang pondo na P47 milyon na ayon sa nakapaskil ay tapos ang kanilang project.
Paano matatapos kung ang pondo ay ubos na? Tumigil na rin ang mga gumagawa at iniwan na ito ng kontraktor. Una pa lamang ay natuwa na kami dahil magiging semento na ang aming daan.
‘Di po kaya alam ng DPWH ng Region-V ito dahil sila ang nangangasiwa sa proyekto o nagbubulag-bulagan dahil may “maganda” silang usapan ng kontraktor?
Isa pa pong nakakatawa ay may malaking nakabalandrang mukha si Governor Migz Villafuerte sa ibaba na may nakapaskil na samahan si Kuya Migz sa kaniyang misyon.
Paano po natin sasamahan kung ganito ang proyekto nila na bitin at iniwang nakatiwangwang? Hanggang kailan kami magsasakripisyo at magtitiis ng kalbaryo sa kanilang mga isinusulong na proyekto?
Laging kawawa po kaming mga residente dahil hindi namin alam kung saan kami magrereklamo. Nakakatakot pong banggain ang malalaking tao. Isa lamang kaming anak ng isang hampas lupang magsasaka.
Misyon Aksyon Sana mabigyan kami ng agarang aksyon sa pamamagitan ng inyong kolum dahil wala kaming ibang matakbuhan kundi sa mga taga-media. Ang media ang isa sa nakakatulong sa amin upang mapabilis ang aksyon ng aming mga reklamo. Pakitago na lamang po ang tunay kong pangalan, dahil kapag nalaman po nila ay posibleng manganib ang aking buhay.
Gumagalang, Mr. Busak
Tinatawagan ng pansin si Gov. Migz Villafuerte. Kanino po ba ang proyekto sa Busak Bahay By Pass road na nabitin at nakatiwangwang? Nakalagay pa man din ang inyong mukha sa ibaba at humihikayat pa kayo ng iyong mga kababayan sa inyong misyon ngunit kalbaryo ang iniwan n’yo sa kanila. Ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ganitong istilo na iniiwan nang hindi tapos ang proyekto.
Kay DPWH Region-V Director Engr. Marilou N. Lacuna pakiimbestigahan naman po ang kontraktor na GCI Construction and Development Corporation, ‘wag maging bulag sa katotoohanan. Aksyon na po!
Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwagan. Note: Problema sa SSS, GSIS, PAG-IBIG homeowners at iba pa. Cellphone No. Smart 09420874863 / 09755770656 Email address: misyonaksyon@yahoo.com / arnel_petil@yahoo.com / arnelpetil12@gmail.com. http://misyonaksyon.blogspot.com
(Misyon Aksyon / Arnel Petil)
138