DPA NI BERNARD TAGUINOD
CONCERN lang ba ang mga opisyales ng People’s Congress sa kalusugan at seguridad ng mga tao sa loob kaya nagpapatupad sila ng pinakamahigpit na health and security protocols?
Dangan kasi, bago ka makapasok sa Batasan Complex lalo na ang media, tinatanong ka kung ano ang pakay mo sa loob?
Parang iniimbestigahan ka kung anong gagawin mo sa House of the People.
Nitong mga nakaraang buwan, kailangan mong magpalista muna sa media office ng Congress para makapag-cover ka sa susunod na linggo at ibibigay ang listahan ng pangalan n’yo sa North Gate kung saan papasok ang mga ordinaryong tao.
Sa South Gate kasi ay eksklusibo sa mga miyembro ng Kongreso as in kailangang maging Congressman ka muna bago ka makapasok sa South Gate at ang mga ordinaryong mamamayan at masa ay dun ka sa North Gate dapat pumasok…’di ka kasi Congressman eh. May diskriminasyon no?
Kahit may pangalan ka na sa masterlist na ikaw ay magko-cover sa loob ay tatanungin ka pa kung “anong gagawin mo sa loob”.
Parang idiot na tanong lang dahil hindi naman maglalaro ang mga kagawad ng media sa loob.
Wala namang playground sa Batasan Pambansa Complex para makapaglaro ng habulan ang mga kagawad ng media na araw-araw na lang tinatanong ng mga guwardiya kung anong gagawin mo sa loob eh kitang-kita naman nila na may company ID na suot nila, may camera ang mga taga-TV na dala-dala.
Parang wala sa hulog ang mga tanong araw-araw sa mga kagawad ng media kaya kung ginagawa nila ito sa mga accredited media personnel sa House of the People, ay papaano na lang sa mga ordinaryong mamamayan, ang masa na lumalapit sa mga congressman nila?
May security threat ba sa Congress at ganito katindi ang security protocols ng Batasan Pambansa na mahirap ang pagpasok ng mga tao sa tinaguriang House of the People?
Hindi pa ‘yan, bago ka makapasok sa gusali ay kailangan mong dumaan sa antigen test kaya i-ready mo araw-araw ang ilong mo dahil susundutin nila ‘yan para daw siguradong wala kang dala-dalang coronavirus.
Parang hindi nauubusan ng antigen kits ang Congress ah. Marami ba ang kailangan i-dispose kaya sila na lamang ang nagpapatupad ng pinakamahigpit na health protocols? Nagtatanong lang!
Sa ibang beat lalo na sa Senado, walang sundutan ng ilong araw-araw dahil ipapakita mo lang ang vaccine card mo at ID mo ay puwede ka nang pumasok na walang aberya, pero sa House of the People, grabe, napaka-concern nila sa kalusugan ng mga tao? Nakaka-touch, ika nga ni Romer Butuyan.
Anong silbi pala na nakapagbakuna na ang mga tao kung ayaw kilalanin sa Congress ang vaccine card na bukod sa primary at secondary doses ay meron na silang booster shot? Marami pa bang stock na antigen test?
Linawin ko ha, ang paghihigpit sa security and health protocols ay nagsimula sa nakaraang administrasyon sa Congress dahil sa paglaganap ng COVID-19 at ipinagpatuloy ngayon.
252