UMABOT na sa 17 katao ang namatay sa sakit na dengue sa lalawigan ng Bulacan mula Enero ng taong kasalukuyan.
Ayon sa ulat na inilabas ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) noong Biyernes, patuloy pa rin ang naitatalang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa nabanggit na probinsiya.
Tinatayang nasa kabuuang bilang na 10,945 ang suspected dengue cases sa lalawigan na 349% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taong 2021 na nasa 2,435 kaso lamang.
Sa datos na ito ay mayroon nang naitalang 17 dengue-related deaths magmula noong Enero hanggang kasalukuyan.
Bukod pa rito, ang nakalipas na apat na linggo ay kinakitaan ng 822% na pagtaas sa naitatalang mga kaso ng dengue kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, at lumagpas na sa epidemic threshold.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang patuloy na pagtaas ng bilang kaso ng dengue ay nakababahala dahil sa mataas na alerto sa mga naitatalang mga kaso sa lalawigan.
“Bukod sa Covid-19, huwag din po natin ipawalang bahala ang kaso ng dengue at patuloy tayong mag-ingat at sundin ang mahahalagang anunsyo mula sa mga lokal na pamahalaan at Department of Health (DOH) upang masugpo ito,” wika ni Fernando.
Sa tala ng PESU, apektado ang lahat ng edad ng mga bata at matanda, 40% ng mga kaso ng dengue ay nasa edad ng 11 hanggang 20 taong gulang.
Itinuturing na “clustering” ang isang lugar sa pagkakaroon ng apat o higit pang mga kaso ng dengue sa barangay sa nakalipas na apat na linggo habang itinuturing na “hotspot” kung may patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso sa magkasunod na linggo.
Samantala, ang isang lugar ay mayroong “outbreak” kung ang bilang ng mga kaso ay mas higit pa kaysa inaasahan sa isang barangay at mayroong mga naitalang namatay dahil sa dengue.
Sa kasalukuyan, 277 na barangay sa 24 na mga lungsod at munisipalidad sa Bulacan ay nasa clustering at hotspot kung kaya’t kinakailangan ng hakbang upang masugpo at makontrol ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa nasabing mga lugar.
Ang dengue ay isang sakit na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Aedes Aegypti na may dalang virus.
Sa loob lamang ng 7 hanggang 12 na araw, ang mga itlog ng lamok at kiti-kiti ay maaaring maging adult mosquito kung kaya’t madali ang pagdami ng mga ito lalo kung walang gagawin hakbang sa paghanap ng mga maaaring pinamumugaran at pinangingitlugan ng mga lamok partikular na sa isang lugar na nauna nang may naitalang mga kaso ng dengue.
Patuloy na pinapaalalahanan ang lahat na isagawa ang “4S Strategy” upang masugpo ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue na kinabibilangan ng: Search and Destroy of Breeding Sites, Self-protection measures, Seek early consultations, at Support Fogging/Spraying during impending outbreak. (ELOISA SILVERIO)
128