ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR
ISA sa mga atraksiyon ng Subic Bay Freeport ang “golf course” nito na iniwan ng mga Amerikano nang isara nila ang “Naval Base” rito noong 1992.
Ito Ang Totoo: Mula noon, nakailang salin na ang “operators” ng “golf course” dahil puro sablay sa “management” at pamumuhunan.
Taong 2016 nag-take-over ang isang “investor” na “Japanese” o Hapon at gagawa raw ng “high-end retirement homes” at ang “golf course” ay hindi nito magiging pangunahing negosyo, bagkus parang bonus na lang para sa mga magiging residente, walang pakialam kung may tagalabas na kliyenteng magbabayad o wala.
Taong 2022 na, wala pa ring “retirement homes” pero taong 2018 ay nagbukas ang “golf course” na pinangalanang “Subic International Golf Course” at ang mga miyembro ng dating “golf club” ay hindi na kinilala at ito ay isa lamang sa mga problema.
Ito Ang Totoo: Naging “kontrobersiyal” ang pagbubukas ng “golf course” noong 2018 dahil sa “advertisement” nito sa North Luzon Expressway (NLEX) na larawan ng mga naggagandahan at nagseseksihang mga “caddy” na halos lahat ay pawang mga tapos ng kolehiyo.
Marami kasi ang nakikialam at nagtanong kung “golf” ba ang ina-“advertise” o ang mga babae?
Kung tayo ang tatanungin, wala namang problema sa mga “caddy” na ang bilang ay nasa 80, maayos naman ang trabaho nila at lampas “minimum wage” ang sweldo, ang tip ay pwera pa.
Ito Ang Totoo: Umabot sa 260 ang lahat ng empleyado ng ”Subic International Golf Course,” kasama na ang mga nasa restaurant na waiters, cook at maintenance workers, at iba pa.
Hindi naglaon ay unti-unting nawala ang mga empleyado na ngayon ay halos kalahati na lang ang bilang, at ang swelduhan ay hindi na tulad ng dati, tinipid na at karamihan ay minimum na lamang umano.
Kahit mga nasa matataas na puwesto na mga Pinoy, tsinugi ng Hapon, at iyan ang isang problema ngayon na nangangailangang maresolba hindi lamang sa level ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kundi sa Dept. of Labor (DOLE) o maging sa mga korte.
Ito Ang Totoo: “Golf course” pa lang sablay na ang “Japanese investor,” paano na ang ipinangalandakan nitong “high-end retirement homes” na magdadala sana ng mapeperang hapon sa Subic?
Ni isang poste ng “retirement homes” ay wala pang naitatayo ang “Japanese investor,” lampas na sa “time frame” ng “development commitment” nito.
Kung binawi ng SBMA sa mga Pinoy investors na sumablay ang “golf course,” babawiin din kaya ito sa “Japanese investor” na hindi lamang bigo sa “development commitment” sa negosyo kundi tila nang-aapi pa ng mga manggagawang Pilipino. Dapat lang sa ganang atin. Ito Ang Totoo!
218