BISTADOR Ni RUDY SIM
AGAD na kumilos ang Bureau of Immigration (BI) sa ating ibinisto kamakailan patungkol sa raket ng isang babaeng Immigration supervisor na si alias “KS” na nakatalaga sa Travel Control Enforcement Unit (TCEU), matapos na hindi masikmura ng kanyang mga kasamahan na responsable sa ilegal na gawain sa kanyang puwesto sa airport.
Tinanggal na umano at pinababantayan ni BI OIC Commissioner Rogelio “Junjun” Gevero Jr., at OIC Deputy Commissioner Fortunato “Jun” Manahan, ang tauhan ng ahensya sa mismong frontline na dinadaanan ng mga pasaherong umaalis at dumarating sa bansa upang maiwasan na ito’y masangkot muli sa pamamasahero kapalit ang malaking halaga.
Sinabi ni Manahan, ang ahensya ay mahigpit na ipinatutupad ang kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag gagawa ng ano mang bagay na ikasisira ng magandang simulain ng pamahalaan na labanan ang korasyon at pilayin ang operasyon ng sindikatong responsable sa human trafficking ng ating mga kababayan patungong ibang bansa, kundi ay hindi magdadalawang-isip ang bagong pamahalaan na sila’y sibakin.
Kaugnay nito, nabawasan na ang galit at pagkadismaya ng ating mga kababayan sa mga Facebook post na dating inuulan ng batikos mula sa ating mga kababayan na nakararanas ng offloading at diskriminasyon sa airport. Mababait na umano ang Immigration officers ngayon na nakatalaga sa counters ng Port Operations Division.
Bagamat hindi pa rin maiwasan na mayroong mga pasahero na hindi pinapayagan makaalis ay naipaliliwanag naman ito nang maganda ng mga tauhan ng BI na kulang ang kanilang dokumento upang maging legal ang kanilang paghanapbuhay at pagbabakasyon sa kanilang patutunguhan.
Habang patuloy na naghihintay ang mga kawani ng ahensya sa bagong commissioner na itatalaga ni PBBM, nananawagan pa rin ang mga ito sa pangulo na sana’y bigyan ng kapangyarihan ang OIC upang maisakatuparan nila ang kanilang serbisyo sa ating mga kababayan at mga dayuhan na hanggang ngayon ay naka-pending ang kanilang mga papeles dahil sa limitado lang umano ang kapangyarihan ng isang OIC kaya’t apektado ang kita ng ahensya na pumapasok sa ating kabang yaman.
Pinag-aaralang maigi ng ating pamahalaan kung sino ang nararapat na ilagay sa puwesto upang mabago ang imahe ng BI mula sa iba’t ibang kontrobersya noong nagdaang administrasyon na bagamat nasa korte na ang kaso ng mga nasangkot sa Pastillas scheme ay naniniwala tayo na maibibigay ang tamang hustisya sa mga ordinaryong Immigration officers at opisyales na nadamay lamang sa maruming takbo ng pulitika.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
206