MARIING itinanggi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nag-aabogado sila para kay Executive Secretary Victor Rodriguez kaugnay sa pagdinig sa sugar fiasco.
Kasabay nito, nanawagan si Zubiri sa lahat na huwag pulitikahin ang isyu sa sugar importation.
“No one is lawyering for him, we just want to know the truth. I don’t want it politicize kasi alam mo maraming gustong makakita na matumba si Presidente kabagu-bago niya wala pa siyang 100 days. Some people are trying to politicize this issue and twist it,” pahayag ni Zubiri sa panayam ng Senate Media.
Ipinaliwanag ng Senate Leader na nang mag-isyu ang komite ng subpoena para sa Executive Secretary ay tinawagan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sinabing pahaharapin si Rodriguez sa pagdinig.
Agad naman anya nitong kinoordinate ang pagdalo ng hearing ng Executive Secretary upang hindi na rin mauwi sa krisis ang isyu.
Binigyang-diin ni Zubiri na malinaw na nailatag ang mga detalye ng kontrobersyal na sugar order number 4 mula sa preparasyon nito hanggang sa aborted implementation at sa mga taong sangkot.
Para kay Zubiri, malinaw na may mga lumabag sa rules and procedure subalit ipinauubaya na niya kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang mga rekomendasyon sa mga kasong isasampa at kung sinu-sino ang papanagutin.
Nangako naman si Tolentino na sa Huwebes ay ilalabas na nila ang committee report sa isyu. (DANG SAMSON-GARCIA)
173