ITO ANG TOTOO Ni Vic V. VIZCOCHO, Jr.
KAYA nga may “expressway” ay upang mapadali, mapa-ginhawa at maging mas ligtas ang pagbibiyahe ng mga motorista, mapa-pribado, pampubliko at negosyo.
Ito Ang Totoo: sa North Luzon Expressway (NLEx) at Subic-Clark Tarlac Expressway (SCTEx), kung hindi may sira, may ginagawa kaya ang resulta lagi na lang may abala na bukod sa perwisyo ay talaga namang nakakaaburido.
Karanasan po natin ito sa NLEx at SCTEx na lagi nating dinadaanan, pero “in fairness,” baka nangyayari rin sa ibang lugar na hindi lang natin pinupuntahan.
May kamahalan ang singil na “toll fees” sa mga “expressways” na kung sulit sana, walang problema. Kaya lang, uulitin natin, gaya ng sabi natin sa itaas, kung hindi may sira, may ginagawa kaya ang biyahe, malimit ay nakaka-peste.
Ito Ang Totoo: iba ang unang gumawa at nag-manage sa naturang dalawang “expressways” na ngayon ay pinangangasiwaan at negosyo na ng NLEx Corp.
Pero hindi nangangahulugang absuwelto ang NLEx Corp. sa mga kapalpakang nangyayari pa rin sa ilalim nito.
Kung tama at matibay ang disenyo, materyales at pagkakagawa ng daan, maiiwasan ang malimit na pagkakaroon ng sira at mapapadalang ng mahaba-habang panahon ang konstruksyon na masahol pa sa aksidente ang dulot na abala sa mga motorista.
Ito Ang Totoo: una na nating pinuna ang bahagi ng SCTEx sa loob na mismo ng Subic Freeport dahil sa panganib sa buhay at ari-ariang dulot ng palpak na disenyo ng daan kung saan ang tubig ulan ay umaapaw kasi walang “drainage” o inilaang daluyan.
Hindi pa ito inaaksiyunan ng pamunuan ng NLEx Corp. na para bang kailangan pang may madisgrasya bago magmulat ng mga mata.
Pero kapag inaksiyunan na nila – ng NLEx Corp., panibagong abala na naman sa mga motorista dahil ang sa halip na gawa nang daan ay muling gagawin na ang magdurusa ay ang mga pinagkakakitaan nilang mga motorista.
Ito Ang Totoo: dapat busisiin ng mga bossing sa NLEx Corp. kung sino ang nagdisenyo, nag-apruba at gumawa ng mahihina at depektibong kalsada.
Pero mas dapat na ang pamahalaan ang bumusisi sa NLEx Corp. kung bakit hindi na magkaroon ng matiwasay na biyahe ang mga motorista dahil sa lagi na lang may ginagawa kung hindi may sira sa mga “expressways” na dapat sana ay nagpapaginhawa at nagpoprotekta sa buhay, ari-arian at negosyo ng mga gumagamit nitong mamamayan.
Dapat may mapanagot para matigil na ang kawalan ng pakundangang pagbalewala sa pagdurusa ng mamamayan dahil lang sa kapabayaan at kapalpakan ng ilan. Ito Ang Totoo!
