BISTADOR Ni RUDY SIM
IKINAGULAT ng mga kawani ng Bureau of Immigration, ang ipinalabas na Personnel Order ni BI Commissioner Norman Tansingco na nagtatalaga sa dalawang Immigration Officers sa mataas at kumplikadong posisyon sa airport kahit ang mga ito ay hindi umano naging maganda ang record sa ahensya.
Sa bisa ng PO No. 2022-097 na pirmado ni Tansingco, buti nga at sinipa sa wakas bilang chief ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU) si IO-3 Ma. Timotea Barizo at itinapon sa Planning and Policy Division.
Ipinalit kay Barizo ang asawa ng aktres na si Nadine Samonte na si IO-3 Richard Emerson Chua na anak ng beteranang aktres na si Marilou Gumabao o mas kilala sa pangalang Isabel Rivas, at pamangkin ng aktor at convicted kidnapper ng isang Fil-Chinese na si Dennis Roldan na nahatulan ng reclusion perpetua noong 2014.
Agad natin ipinagtanong sa mga kawani ng BI ang background ni Chua at karamihan dito ay walang nasabi na hindi maganda at gaano kaya katotoo ang usap-usapan ng immigration officers na inireklamo raw ito noon ng sexual harassment ng babaeng nag-OJT sa airport?
Ang TCEU ang pinaka-makapangyarihan na puwesto sa airport dahil ito ang nagbabantay sa secondary lane na may karapatang hindi payagang makaalis ang isang pasahero o offload kung tawagin, at dito ay nagsisimula ang katiwalian sa ‘under the table’ na abutan upang magpalusot ng pasahero lalo sa mga papuntang Singapore, Dubai at Malaysia na produkto ng prostitution.
Kamakailan ay ating ibinisto ang raket ng isang supervisor na nakatalaga sa TCEU na sangkot naman umano sa pamamasahero palabas at papasok ng bansa, na si alias “KS” na kahit sa panahon ng kahigpitan ay napakalakas ng loob nitong magpalusot umano ng mga pasahero sa kabila ng hirap na dinaranas at sakripisyo ng kanyang mga kasamahan na malinis ang ahensya laban sa korapsyon.
Ngunit, imbes na itapon itong si alias “KS” sa kangkungan ay isang PO ang inilabas ni Tansingco at inilipat pa ito sa mas mataas na posisyon sa NAIA terminal kung saan ay mas mainit dito ang pagpapalusot ng Chinese at Vietnamese nationals papasok ng bansa.
Ito kaya ang pagbabago kuno sa BI? Ayon nga sa kasabihan; “Wag kang maghahanap ng tiwali, kung ang hinahanap mo ay nasa loob ng ilong mo”.
Hindi natin hinuhusgahan itong mga inilagay ni Tansingco na ating babantayan kung ang mga ito ba ay magbabago o magpapayaman gamit ang kanilang posisyon? Sir, ‘wag puro pa-cute, accomplishment ang dapat at hindi gawing photo album ang website ng ahensya. “Bato-bato sa langit, ang tamaan…buti nga!! Gusto mo, Sir ng English? Twinkle, twinkle little star… How I wonder what you are,” and I thank you!
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
252