ANAK GINAHASA UMANO NG MMDA EMPLOYEE

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

NGAYONG panahon ng ­pandemya, lumalaki ang bilang ng mga kasong rape, karamihan sa suspek sa mga kaso, ama o kamag-anak ng biktima.

Ito ay ayon sa Scene Of The Crime Operatives (SOCO) ng Camp Bagong Diwa, matapos naming ilapit sa kanila ang hawak naming bagong kaso ng rape kung saan ang biktima ay isang 14 taong gulang na batang babae at ang suspek ay sarili niyang ama.

Ayon sa SOCO, tumataas ang bilang ng rape case na hawak nila at karamihan ay mga kamag-anak ng biktima ang may gawa.

Sa kaso ni Angel (‘di tunay na pangalan), taong 2019 pa raw nang simulan siyang ­halayin ng tatay niyang ­empleyado ng MMDA habang ang nanay n’ya ay nagtatrabaho bilang call ­center agent sa gabi.

Sa loob umano ng 3 taon, 3 beses kada linggo kung ­gahasain siya ng kanyang ama. At tinatakot na gagawan siya ng kwento kapag nagsumbong.

Nitong Agosto 2022 lamang ito nakapagsumbong sa kanyang tyahin. Kinumpronta umano ng tiyahin nya ang kanyang mga magulang.

Ayon sa tiyahin ni Angel, nag-sorry raw ang kanyang tatay at hindi sinadya ang ginawang panghahalay sa anak. Ang malungkot dito ay ang reaksyon ng kanyang ina, kung saan sinisi nito si Angel at sinabing inakit daw kasi nito ang kanyang ama kaya siya ginahasa.

Ito ang nagtulak sa amin na tulungan ang bata na ­makapagsampa ng kaso laban sa mapang-abusong magulang.

Sa medico legal na isinagawa kay Angel, positibong ginahasa ito.

Sa darating na Huwebes (Oct. 13), nakatakdang isampa ang kaso laban sa ama ni Angel.

Sa oras na maisampa ang kaso ay makikipag-ugnayan din ang aming grupo sa MMDA para matanggal sa serbisyo ang abusadong ama ni Angel, na dati umanong sundalo at ­tutulungan namin ang biktima na makakuha ng restraining ­order laban sa tatay at nanay nito para ‘di na muling makalapit sa kanya.

162

Related posts

Leave a Comment