NAILISTA na rin ng Philadelphia 76ers ang unang panalo.
Nagbida sina James Harden, 29 points at 11 assists, at Joel Embiid, 26 points, sa 120-106 win kontra Indiana Pacers, Lunes ng gabi (Martes sa Manila) sa Wells Fargo Arena sa Philadelphia.
Talo ang Sixers sa unang dalawang laro laban sa Eastern Conference contenders Boston at Milwaukee. At sa kabila ng 40-point production ni Embiid, kinapos pa rin ang Sixers sa San Antonio Spurs para sa 0-3 start sa season.
Ngayon, pasok na sila sa win column matapos magtala si Harden ng 10-of-18 shots from the floor, may dalawang sunod na 3s sa fourth tungo sa 109-95 lead ng Sixers.
Anim na manlalaro ng koponan ay may tig-isang 3-pointer sa first quarter. Kumamada ng 12-of-22 shots sa second at pinalobo sa 19 ang kalamangan, may 19 3-pointers ang Philadelphia at siyam dito nagbuhat kina Harden at Tobias Harris na umiskor ng 18.
Nanguna naman sa Pacers sa 19 points at 10 assists si Tyrese Haliburton. Habang si Buddy Hield ay nag-ambag ng 18 puntos.
Nitong nakalipas na weekend, nabanggit ng reigning NBA scoring champion na si Embiid nakaranas siya ng plantar fasciitis (pananakit sa paa at sakong) at kinailangang itigil ang physical activities nang dalawang buwan noong offseason.
Naniniwala naman si Coach Doc Rivers, makakabawi ang Sixers.
”I’ve seen talent,” sambit niya. ”It just has to match and work. I just like our guys in the locker room. There’s no reason to believe the other way, personally.”
CELTICS SINUWAG
NG BULLS
BINURA ng host Chicago Bulls ang 19-point deficit sa first quarter tungo sa 120-102 win laban sa Boston Celtics.
Magkatuwang sina DeMar DeRozan (25 points) at Nikola Vucevic, 18 points at 23 rebounds sa atake ng Bulls.
Unang naghasik ng kalamangan ang Boston sa pangunguna ni Jayson Tatum sa first period at abante pa rin ng 16 sa halftime.
Pagpasok ng third, nag-rally ang Chicago at naibaba sa tatlo ang lead upang ihatag sa Celtics ang unang kabiguan matapos ang 3-0 start.
Nagsumite si Ayo Dosunmu ng 22 points, habang si Zach Lavine, ikalawang laro niya matapos lumiban sa first two games, ay nagdagdag ng 19 points para tulungan ang Bulls putulin ang two-game skid tungo sa 2-2 slate.
Kumolekta naman si Tatum ng 26 points, 15 rito ay iniskor sa first quarter, habang si Jaylen Brown ay nag-ambag ng 21 points, at ejected naman sa laro sina interim coach Joe Mazzulla at Grant Williams.
Dalawang T’s ang agad natanggap ni Mazzulla sa huling limang minuto sa third quarter upang iwanan ang bench at palitan ni assistant Damon Stoudamire.
Sinipa naman sa laro si Williams sa simula ng fourth, matapos banggain si referee Natalie Sago.
NETS NILAPA
NG GRIZZLIES
MAY tig-38 puntos sina Ja Morant at Desmond Bane nang akayin ang Memphis Grizzlies sa 134-124 win kontra Brooklyn Nets sa Tennessee.
Pareho rin may tig-pitong assists sina Morant at Bane, nangapa sa kanyang shooting sa pagsisimula ng season at pumukol ng 14-of-21 overall at 8-of-11 sa 3-point range. Career-high ni Bane ang walong 3-pointers.
Tig-37 puntos din sina Kevin Durant at Kyrie Irving at 16 puntos kay Nic Claxton sa ikalawang talo ng Nets.
Umarangkada ang Memphis, 17-2 run sa unang bahagi ng third. Umiskor si Bane ng 19 sa period.
Napanatili ni Durant nakadikit ang Nets ngunit hirap makakuha ng tulong, habang nagpatuloy sa pamamayagpag ang Grizzlies na umabot sa 15 ang lead.
Nalampasan ni Durant si Alex English (25,613) para sa 20th place ng NBA’s all-time scoring list. Ngunit sa kabila ng 17 ni Durant sa nasabing quarter, na-outscore pa rin ng Memphis ang Nets, 45-28 sa third at hindi binitiwan ang abante hanggang sa huli.
ROCKETS
SUMAMBULAT
SA JAZZ
SUMABOG ang Rockets sa Utah, 114-108, para sa unang panalo ng Houston at unang talo ng Jazz.
Umiskor si Kevin Porter Jr. ng 26 points, habang nagdagdag si Jalen Green ng 25.
Bago ang mga laro nitong Lunes, Utah at Portland ang undefeated teams sa Western Conference na kapwa may 3-0, habang 0-3 ang Houston.
Abante ang Rockets sa halos kabuuan ng laro at nagposte ng 10-point lead sa first half. Ngunit naitabla ng Utah ang iskor bago ang layup ni Eric Gordon para sa 110-108 lead ulit ng Houston sa huling 1:23 minuto.
Walang sinayang si Rockets rookie Jabari Smith Jr., third overall pick ngayong taon, sa kanyang apat na free throws sa huling 24.5 seconds para selyuhan ang panalo. Tumapos siyang may 21 points, nine rebounds at three blocks.
Si Porter ay 9-for-9 sa free throw line at may 10 rebounds, habang ikatlong sunod na 20-point game ito ni Green, may 9-of-16 shooting sa field kasama ang 4-for-8 sa 3-point range.
Pitong Jazz players ang nagtala ng double figures sa pangunguna ni Jordan Clarkson (17), Lauri Markannen (14) at sina Kelly Olynyk, Jarred Vanderbilt at Simone Fontecchio ay may tig-13.
Sa iba pang resulta, wagi ang Toronto Raptors sa Miami Heat, 98-90; nanaig ang New York Knicks vs Orlando Magic, 115-102; panalo rin ang San Antonio Spurs sa Minnesota Timberwolves, 115-106. (VT ROMANO)
