RAKETERA SA BI, BUHAY NA NAMAN!

BISTADOR Ni RUDY SIM

NAPAKABILIS ng panahon mula noong nakaraang taon na nalaglag sa entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang isang liaison officer ng isang law firm na si alias “Vivian” na nahuli mismo sa loob ng isang tanggapan ng lawyer sa legal division ng Bureau of Immigration (BI), muling nabuhay na naman umano ang ilegal na raket nito sa ahensya na ngayon ay tila isang malamig nang sabaw na sinasamantalang higupin ng ilang opisyales.

Nakumpiska kay Vivian ang ilang bulto ng mga Chinese passports at 900K cash na pinaniniwalaang gagamitin sana upang isuhol sa ilang opisyales ng legal division na natunugan ng NBI, upang palusutin ang iba’t ibang ilegal na raket nito sa BI.

Ang masaklap lamang dito ay ang malaking pera na mula sa mga negosyante upang iproseso ang kanilang requirements sa pagkuha ng 9G working visa lalo ng Chinese POGO workers, na iginigisa sa sarili nilang mantika, para mas malaki ang kitain ng sindikato ay hinahayaan umanong makalusot dito ang fake attachments kabilang ang Alien Employment Permit (AEP).

Ayon sa nakalap nating impormasyon, dahil banned na sa ahensya si alias “Vivian” ay ang kapatid umano nito na si alias “Malou Wang” ang nagpapatuloy sa kanilang ilegal na negosyo na nambibiktima ng mga dayuhang Chinese, kaanak kaya ito ni “Malou Whag”? Doble umano ang kita ng dalawang ito sa panloloko sa mga dayuhan dahil sa pamemeke ng mga papeles.

Pagkatapos iproseso ang papeles ng mga Chinese ay dito na rin papasok sa eksena ang mga buwayang kawani ng Verification and Compliance Division kung saan kapag mayroon silang nakitang fake attachments ay tatakutin ang mga dayuhan o ang travel agency na naglakad nito, at kinikikilan ng malaking halaga upang hindi makansel ang kanilang visa.

Maganda sana ang ginagawa ng VCD kung pati ang mga ­opisyales na nagpalusot ay kanilang kasuhan ngunit kailanman ay hindi ito nangyari.

Sa ganitong matagal nang katiwalian sa BI, sa huli ay ang dayuhan din ang kawawa dahil kapag nabuking na peke ang papeles ng isang aplikante ay panibago itong lagayan na naman at kapag minalas-malas ay malalagay sa blacklist ang pobre at muling papasok ang suhol upang mawala ang kanilang pangalan sa blacklist order ng ahensya.

Ang mga magnanakaw at mapagsamantala sa BI ang pinakamapalad na nilalang dahil kahit ilang beses na magpalit ang administrasyon ng commissioner ay hindi ito napapanagot at nananatili pa rin sa kanilang puwesto kahit gaano kabigat ang kanilang katiwalian.

Samantala, bakit kaya tila hinahayaan ni Commissioner Norman Tansingco itong mga fixer na empleyado na sina alias “Dyalam” at “Shello”? Maging ang kanyang kababayan na si alias “Dunhill”?

Ito kaya ang gantimpala sa kanilang labis na kaalaman sa fixing?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

241

Related posts

Leave a Comment