PINAYAGAN ng Department of Education (DepEd) ang kahilingan ng 52 public schools na ipagpatuloy ang blended learning methods sa kabila ng naunang kautusan ng departamento na pagpapatuloy ng face-to-face classes simula ngayong Nobyembre.
Ito’y dahil na rin sa kabiguan ng DepEd na matugunan ang mga dati nang problema tuwing sumasapit ang pasukan tulad ng kakapusan sa mga silid-aralan.
Hinihintay naman ng DepEd Central Office ang report mula sa mga rehiyon para matukoy kung ilan pa ang mga eskuwelahan na magsasagawa ng blended o full distance learning.
“We want to bring the learners back in school but we have to bring them back safely also so that is why under the mandatory DO, we also provided room for exemption depending on the situation,” ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa.
“As the Vice President and Secretary for Education Sara Duterte has mentioned, we are now studying also the possibility of institutionalizing blended learning. Baka isa po ‘yan sa magiging solution natin sa mga shortages natin ngayon,” winika pa ni Poa.
Samantala, maaari namang alisin na ng mga estudyante at guro na dumadalo sa face-to-face classes ang kanilang face masks kahit pa sa loob ng silid-aralan matapos ihayag ng DepEd na sumusunod sila sa umiiral na national policy na pinapayagan ang optional masking indoors at outdoors sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Since this is voluntary, mapapansin din naman natin kahit yung mga bata parang sanay na rin na may masks so ang bilin natin ay mag-mask pa rin, hindi naman siguro paglabag yun,” ayon naman kay DepEd NCR director Dr. Wilfredo Cabral.
Nauna nang binatikos ng grupo ng mga guro ang bitin na paghahanda ng DepEd sa pagbabalik paaralan ng mga estudyante.
Binigyan ng pasang-awa na grado ng Teachers Dignity Coalition (TDC) ang preparasyon ng DepEd. (CHRISTIAN DALE)
