MAS LIGTAS KUNG IPAGPAPATULOY ANG PAGSUSUOT NG FACE MASK

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

INISYU kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM) ang Executive Order (EO) No. 7 o ang opsyonal na paggamit ng face mask sa bansa. Kung tutuusin, napakarami nang bansa ang nagpapatupad nito. Subalit, ngayong ipinatutupad na ito sa bansa, handa kaya ang Pilipinas sa maaaring maging epekto nito gaya ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19?

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) noong ika-2 ng Nobyembre, nasa halos 74 milyon ang bilang ng may ­kumpletong doses ng bakuna. Bagaman malaking porsyento na ito ng kabuuang populasyon ng bansa na hindi bababa sa 108 milyon batay sa 2020 na datos ng Philippine Statistics Authority, marami pa rin ang ­nananatiling hindi protektado mula sa ­COVID-19.

Kung titingnan din ang bilang ng mga doses ng booster shot, ito ay nasa halos 21 milyon pa lamang. Ibig sabihin, marami sa mga may kumpletong bakuna ang bumabababa na ang antas ng proteksyon dahil mismong mga eksperto na ang nagkumpirma na bumababa ang bisa ng mga bakuna kinalaunan kaya’t kinakailangan ang mga booster shot.

Sa paliwanag ng pamahalaan, ang EO no. 7 ay isang hakbang patungo sa pagbabalik sa normal na takbo ng buhay. Ito rin daw ay isa sa mga paghahanda para sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit gamit ang mga datos na aking nabanggit, ako ay napapaisip kung handa nga ba talaga ang Pilipinas na gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask lalo na’t patuloy ang paglutang ng mga balita ukol sa mga bagong strain ng virus na kumakalat.

Noong Oktubre ay kinompirma ng DOH ang unang kaso ng XBB at XBC, mga subvariant ng Omicron, sa bansa. Anila hindi bababa sa 81 na kaso ng XBB ang nakita sa Western Visayas at Davao Region, habang nasa 193 kaso naman ng XBC ang nakita sa 11 na rehiyon sa bansa kabilang na ang National Capital Region (NCR).

Ayon sa DOH, maaaring tumaas sa 18,000 ang bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa susunod na dalawang buwan kaugnay ng pagpapatupad ng opsyonal na paggamit ng face mask. Sa aking palagay, hindi malayong magkatotoo ito lalo na’t papalapit na ang Pasko at Bagong Taon kung saan kabi-kabila na naman ang mga pagdiriwang lalo na sa mga kumpanya at mga paaralan.

Kailangan ding alalahanin na mas marami na ang lumalabas ngayon sa kanilang mga bahay dahil sa muling pagbabalik ng face-to-face na mga klase sa mga paaralan, at dahil maging ang mga mag-aaral ay may kalayaan nang magdesisyon kung gusto nitong huminto o ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask, kapag minalas, mabilis ding kakalat ang virus sa loob at labas ng paaralan.

Sa isang survey na ginawa ng OCTA Research noong Setyembre, lumabas na kahit opsyonal na ang pagsusuot ng face mask at kahit na mas bumaba pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa, mas marami pa ring mga Pilipino ang mas pipiliin ang pagsusuot nito upang maging mas protektado. Sa aking palagay, ito ang dapat gawin. Wala namang mawawala kung ipagpatuloy natin ang pagsusuot ng face mask bilang karagdagang proteksyon, hindi lamang para sa sarili kundi pati sa ating mga minamahal sa buhay, lalo na yaong mga may comorbidity.

256

Related posts

Leave a Comment