OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
BAGAMA’T hindi sapat ang salita para maisalarawan ang trahedyang dinala ng super typhoon na si Paeng sa buong bansa, lalo’t higit sa mga pamilyang nawasak ang mga tahanan at nawalan ng mga mahal sa buhay, may ilang mahahalagang aral din naman siyang iniwan para sa atin.
Kailangan nga lang na na isapuso at isaisip natin ang mga aral na dala ng karanasan natin kay Paeng upang hindi na maulit sa mga darating na panahon ang pinsala na idinulot niya.
At ang mga leksyong ito ay buong linaw na sinabi at ipinaliwanag ni Pangulong Bongbong Marcos mismo nang bigyang pansin niya ang mga dahilan kung bakit naging lubhang mapaminsala ang bagyo sa maraming bahagi ng bansa.
Ginawa niyang halimbawa ang nangyari sa Maguindanao kung saan tinatayang nasa 60 tao ang nasawi dahil sa biglaang pagguho ng lupa at malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Sinabi ni PBBM na ang deforestation o walang habas na pagputol ng mga puno at ilegal na mga pagmimina ang mga dahilan ng pagkakalbo ng mga kabundukan na siya namang dahilan ng biglaang mga landslide at pagbaha.
Dahil sa walang patumanggang pagsira ng ating mga likas na yaman at pagputol ng mga puno na pinalala pa ng epekto ng climate change kung kaya’t naganap ang trahedya sa Mindanao.
“Noong nasa helicopter kami ni [Maguindanao Governor] Bai Mariam, na-notice ko lahat ng gumuho, kalbo ang bundok. That’s the problem,” wika ni PBBM.
“And I was pointing out to the Governor, sabi ko sa kanya: Tingnan mo ‘yung may kahoy, hindi gumalaw ‘yung lupa, lahat nung sugat na makita mo sa bundok dahil kalbo,” patuloy niya.
Kung susumahin ang nangyari sa Maguindanao ay parehas na dahilan kung bakit naganap din ang malawakang pagbabaha sa iba pa ring panig ng bansa, kung saan ay naging mapaminsala din ang bagyo.
Nangyari na ang Paeng at bukod sa pagdarasal na huwag na sanang maulit ito ay dapat lang na kumilos na rin tayo para kahit paano ay malabanan natin ang lumalalang climate change at global warming.
At magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsunod din sa atas ni PBBM na pag-ibayuhin ang pagtatanim ng mga puno sa ating mga kabundukan katulad ng green revolution na inilunsad ng kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr. noong panahon ng panunungkulan nito.
Dapat pag-ibayuhin din ang pagbabantay sa mga kagubatan upang masawata ang illegal loggers at illegal miners at magsagawa ng makatotohanang kampanya laban sa kanila.
Ayusin din dapat ang flood control projects at gawin ito nakadisenyo para totoong pigilan ang mga pagbaha at hindi nakadisenyo para bumaha ang pera sa bulsa ng mga korap na opisyal at kontratista.
Sa kabuuan ay masaklap ang pinsalang dulot ni Paeng pero may kasabihan nga na mula sa masasakit na karanasan ay dapat may aral tayong matutunan.
