SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA
SA bagal ng daloy ng trapiko sa bansa, lalo’t papalapit na ang Pasko, hindi kataka-takang maraming motorista ang mas pinipiling gumamit ng motorsiklo kaysa kotse dahil kaya nitong sumiksik sa gilid at pagitan ng mga sasakyan kaya’t hindi ito naiipit sa mabigat na daloy ng trapiko.
Kung tutuusin, marami rin ang naiinis sa mga motorsiklo na panay ang singit sa mga sasakyan. Kadalasan, nagiging sanhi na rin sila ng sikip ng trapiko dahil marami sa mga ito ay malakas ang loob na hindi lang basta sumisingit kundi nagka-counter flow na rin sa mga pangunahing kalsada. Walang magawa ang ibang mga sasakyan kundi magbigay-daan dahil madalas, kahit pagkakamali ng mga motorsiklo ang isang aksidente, nakakasuhan pa rin ang ibang sasakyang nakadisgrasya rito dahil kadalasan, matindi ang pinsalang inaabot ng nakasakay sa motorsiklo.
Bunsod nito, kapag nakababasa o nakakikita tayo ng balita ukol sa mga motorsiklo na sangkot sa aksidente, madalas iniisip natin na marahil kasalanan ng mga nakamotorsiklo ito. Subalit ang aksidenteng nangyari kamakailan sa kahabaan ng Aurora Boulevard, kanto ng Broadway Avenue sa Quezon City ay maituturing na “freak accident”. Hindi naman mabilis ang takbo ng apat na motorsiklo dahil ito ay nasa likod ng isang truck na may kargang buhangin na hatak-hatak ng isang tow truck ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Nasiraan ang nasabing truck kaya ito ay hinahatak ng MMDA para sana itabi.
Sa kasamaang palad, bumigay ang tinatawag na tow bar kaya’t nawala sa pagkaka-konekta ang truck na may kargang buhangin. Nang mawala sa pagkakakabit, umatras ito sa mga motor na nasa likod. Bagaman nasira ang mga motor, swerte namang nakaligtas ang tatlong rider. Subalit ang isa ay hindi na pinalad magkaroon ng sapat na oras para makaiwas. Ayon sa mga ulat, umilalim ang nasabing motorsiklo sa truck at nadaanan ng malalaking gulong nito na naging sanhi ng pagkamatay ng motorista. Dinala sa ospital ang rider ngunit idineklarang “dead on arrival”.
Nakatitindig balahibo ang pangyayari dahil kung tutuusin, walang nag-akalang mangyayari ang nasabing aksidente. Marahil ang mahalagang katanungan dito ay bakit bumigay ang tow bar ng truck ng MMDA na humahatak sa truck na may kargang buhangin?
Sa kasalukuyan, nakakulong na ang drayber ng truck ng MMDA at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property. Subalit kung iisipin, sino ba ang may responsibilidad na suriin ang kalidad ng mga tow truck? Sino ba ang dapat sumusuri ng kondisyon nito bago ito lumabas at gamiting panghatak ng mga sasakyan?
Siguro nga’t totoo na kapag oras mo na, oras mo na. Subalit maaari sanang maiwasan ang naturang aksidente kung nasa maayos ang kondisyon ng tow truck. Nawa’y magsilbing aral din ito sa mga motorcycle rider. Iwasan ang pagdikit o pagsunod sa likod ng mga malalaking sasakyan upang makaiwas sa ganitong uri ng aksidente.
359