AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
SAGAD-SAGAD sa trabaho ang himutok ng ating mga kabayani sa bansang Kuwait, kaya napilitan na silang magsumbong at humingi ng tulong sa AKO OFW.
Isang video ang kanilang ipinadala upang patunayan at ipakita ang trabaho na kanilang ginagawa sa utos ng kailang employer.
Ang sumbong ay nagmula kay Jenelline Blanche at Christina Perez na nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng Catalist International Manpower noong Marso 30, 2022.
Ayon kay OFW Perez, “Masyado na po kaming over-work at walang pahinga sa aming trabaho. Simula sa alas-6 ng umaga hanggang 11 ng gabi kami pinagtatrabaho kahit pa kung minsan ay may sakit ako ay pinipilit pa rin ako na magtrabaho. Nakakatanggap din ako ng mga hindi magagandang salita mula aking employer”.
Samantala, si OFW Blanche naman ay nagsusumbong ng kapareho ring reklamo at idinagdag din niya na sapilitang kinakaltasan sila ng sweldo dahil sa maling pagbibintang na may nawawala diumanong pera. “Masyado na po nila niyuyurakan ang aming pagkatao”.
Sina OFW Perez at OFW Blanche ay parehong humihingi ng tulong upang sila ay matulungan na makauwi na lamang sa Pilipinas dahil diumano ay talagang hindi na nila kaya ang trabahong sagad hanggang buto ang pagod.
Sa video na kanilang ipinadala ay makikitang binubuhat nilang dalawa ang isang napakalaking carpet habang sila ay nasa hagdan na magmula sa ground floor patungo sa 5th floor ng tahanan ng kanilang amo.
Reklamo ng dalawang OFW, mistula silang mga kalabaw kung ituring ng kanilang amo dahil kahit na mabibigat na gawaing bahay ay sa kanila talaga ipinagagawa na dapat sana ay kalalakihan ang gumagawa.
Ang sumbong na ito nina OFW Blanche at OFW Perez ay aking ipinarating kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) e-Cares Director Atty. Sherryl Malonzo upang agarang makipag-ugnayan ito sa Catalist International Manpower at sa ating masipag na mga kawani ng ating OWWA sa bansang Kuwait.
Samantala, ating iniimbitahan ang ating mga kabayaning OFW na tangkilikin at subaybayan ang ating programa sa radio DWDD 1134 KHz –Armed Forces AM Radio, tuwing araw ng Miyerkoles alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi ay mapapakinggan ang UP UP Pilipinas sa pangunguna ni BGen. Gerry Zamudio at piling OFW advocates na sina Bhong David at Ma Fe Nicodemus. At tuwing Biyernes naman ay ang programang Bantay OFW na nagsisimula ng alas-6 ng gabi hanggang ala-7 ng gabi. Kasama ko sa programa sina Atty. David Castillon, Joseph Rivera at Dick Castaneda.
Ang ating programa ay sabayan ding napapanood sa Facebook pages na AFP Radio DWDD at AKOOFW Inc.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address: saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
