BISTADOR Ni RUDY SIM
SA hangaring malinis ang Bureau of Immigration ay hindi lamang ang mga kawani nito ang dapat tingnan ni BI Commissioner Norman Tansingco kundi maging ang umano’y pangongotong ng ilang mga tauhan ng ODIN security agency sa lehitimong accredited travel agents na nakatalaga sa BI.
Ayon sa sumbong na ating natanggap ay napipilitan na lamang umanong nagbibigay ng “weekly payola” kada araw ng Biyernes na patagong iniaabot sa harap ng BI building dahil umano sa pang-iipit sa kanila ng ilang sekyu na makapasok upang iproseso ang kanilang papeles.
Kaugnay nito, tila yata nakalimutang iwanan sa bahay ang katangahan ng commander ng mga sekyu na nakilala sa pangalang “Hermoso” dahil sa pagiging power tripping nito kasama ang kanyang isang sekyu na si “Layno” na nahawa rin sa kanyang amo, na maging ang mga batang paslit na kasama na papasok sa BI ay bawal daw ang naka-short pants?
Sinupalpal naman umano ng mga tauhan ng CSU ang katangahan ni Hermoso dahil ang mga menor de edad ay pinapayagang pumasok anoman ang kanilang kasuotan. Saan kaya nag-aral ang kumag na Hermoso na ito at paano naging commander ang isang tanga?
Napag-alaman natin na galing na rin umano itong si Hermoso sa iba’t ibang government agencies duty ngunit sinipa umano ito dahil sa isang bulilyaso? Wala na bang makuhang ibang tauhan ang
Odin security agency para ilipat ito sa BI? O baka naman may nakikinabang diyan sa agency mula sa mga natatanggap na kotong?
Mula umano magsimulang maging commander ang kumag na si Hermoso sa BI ay marami nang kapalpakan dahil sa kapabayaan sa pamamalakad nito sa kanyang mga tauhan kaya nagkakaroon ng security lapses.
Kamakailan lamang ay nakalusot sa security ang kaguluhang nangyari sa Legal division ng BI nang makapasok ang NBI team upang arestuhin ang isang travel agent na si ”Vivian Lara” na naaktuhang may dalang malaking bilang ng mga passport ng Chinese at malaking halaga ng pera na gagamitin sana upang ipangsuhol.
Isa rin sa mga kapalpakan umano ng Odin security agency nang hiramin ng isang off duty CSU ang service shotgun na ginamit sa krimen dahil sa isang mainitang pagtatalo sa inuman. Dahil sa command responsibility ay dapat kasama si Hermoso sa mga sinipa dahil sa kapabayaan ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili ito sa BI.
Inirereklamo rin ng mga empleyado ng BI ang pagtatalaga ng mga baguhang sekyu sa entrance gate na ilang beses na umanong may nangyaring pambabastos maging sa mga opisyales ng BI na hindi nakilala ng mga tangang sekyu.
Nalalapit na rin matapos ang kontrata umano ng Odin agency sa BI kaya dapat ay tingnan ni BI Commissioner Norman Tansingco na pagbigyan naman ang iba pang agency na maaasahan sa anomang sitwasyon at hindi dahil sa katangahan.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaring i-text ako sa 09158888410.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
