Sa pagsipa ng inflation sa 8% SAHOD NG OBRERO ITAAS NA – SOLON

(BERNARD TAGUINOD)

SA pagtatala ng 8.0% inflation sa nakalipas na buwan ng Nobyembre, lalong naging agresibo ang isang mambabatas na igiit ang dagdag na sahod sa mga manggagawa.

Para kay ACT party-list Rep. France Castro, hindi lamang sa gobyerno kundi maging sa pribadong sektor nararapat ang wage hike dahil sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat ang inflation sa 8.0% nitong Nobyembre, na lumampas sa 14-year high na 7.7% na naitala noong Oktubre.

Ang pinakahuling print ay mas mataas sa target range ng gobyerno na 2% hanggang 4%, at alinsunod sa 7.4% hanggang 8.2% projection range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Kabilang sa mga pangunahing nag-aambag sa mas mataas na inflation noong Nobyembre ang pagkain at non-alcoholic drinks gayundin ang gulay.

“This administration cannot turn a blind eye to the reality that millions of people are going hungry with the rising prices of basic commodities,” pahayag ni Castro.

Kailangan aniyang bigyang prayoridad ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa kung ayaw ng gobyerno na lalong magutom ang taumbayan dahil hindi na nila abot ang presyo ng mga bilihin.

“Ang noon ay simpleng panggisa lang natin, ngayon parang ginto na ang presyo,” ayon sa mambabatas kaya nangangamba ito sa kalagayan ng consumers lalo na ang mga minimum wage earner.

Sa ngayon ay P570 ang minimum wage sa Metro Manila habang mas mababa sa ibang rehiyon tulad ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARRM) na mahigit P300 lamang ang arawang sahod ng mga manggagawa.

Mahigit P12,000 lang din aniya ang sahod ng mga manggagawa sa gobyerno lalo na ang sakop ng Salary Grade (SG) 1 kaya ipinanukala ng grupo ni Castro na itaas ito sa P33,000 habang bigyan ng mahigit P1,000 kada araw ang mga obrero sa pribadong sektor.

“Paano na ang Pasko ng milyong Pilipinong nananatiling mababa ang sahod at sweldo? Dapat bigyang prayoridad ng administrasyon ang mga hakbang para bumaba ang presyo at tumaas ang sahod ng mga Pilipino,” ayon pa sa mambabatas.

402

Related posts

Leave a Comment