RAPIDO Ni PATRICT TULFO
KATULAD ng inaasahan, pormal nang nagsampa ng reklamo ang Bureau of Customs laban sa consolidators at kanilang mga ka-partner dito sa bansa. Ang mga nasampahan ng kaso na consolidators na karamihan ay nakabase sa mga UAE ay ang Allwin Cargo LLC, Kabayan Island Express Cargo, Carlos Martin Guinto Co. (CMG), GM Multi-Services at Anhar Al Mawalah Trading.
Ang kanilang deconsolidators na kasamang sinampahan ng kaso ay ang sumusunod; CMG Intl. Movers and Cargo Services, Cargoflex Haulers Corp. FBV Forwarders and Logistics Inc., at Etmar Intl. Logistics.
Ang kasong isinampa ay may kinalaman sa pag-aabandong humigit kumulang 7,000 balibayan boxes na ipinadala sa kanila ng ating mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagdulot ng perwisyo, hindi lang sa kanila bagkus maging sa Bureau of Customs.
Sa ating huling panayam kay BOC Director Michael Fermin, nanawagan ito sa ating mga kababayang OFWs na naging biktima ng nasabing mga kumpanya na makipag-ugnayan sa BOC para patibayin ang mga kasong isinampa sa consolidators at mga ka-partner nito sa bansa. Maaari kayong magpadala ng email sa batas@customs.gov.ph, ilagay ang Balikbayan Boxes bilang email subject at magbigay ng contact details para mas mabilis kayong makontak ng BOC.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang BOC sa mga kababayan nating mga OFW na maging maingat sa pagpili ng forwarding companies na gagamitin sa pagpapadala ng kanilang balikbayan boxes upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.
Sa deconsolidators na sinampahan ng kaso ng BOC, ang kawawa ay ang Cargoflex Haulers Corp. dahil sa aming pag-iimbestiga sa reklamong ito, lumalabas na ang naturang kumpanya ay biktima rin ng ka-partner nito na Allwin Cargo.
Ayon kay Mr. Arlie Tero, ang may-ari ng Cargoflex, bago pa man dumating ang labing walong containers ng Allwin na inabandona ng mga ito, umabot na sa sampung milyong piso ang kanilang lugi dahil hindi pa sila binabayaran ng Allwin sa pinakahuling containers na inilabas nila.
Sinabi nito sa inyong lingkod na manloloko ang mag-asawang Urbiztondo na may-ari ng Allwin dahil pinangakuan siya na ipadadala ang bayad kapag nailabas na ang mga container.
Ang mali lang ni Mr.Tero ay ang hindi pagsasampa agad ng kaso laban sa mag-asawang Urbiztondo na nagbalik na rito sa bansa at kasalukyang nagtatago.
