MEDIA WORKERS’ WELFARE ACT ISABATAS NA – CHR

NANINDIGAN ang Commission on Human Rights (CHR) sa isinusulong na proteksyon ng sektor ng pamamahayag. Panawagan nila – isabatas ang House Bill 454 na mas kilala sa tawag na Media Workers Welfare Act

Sa isang kalatas, hayagang sinuportahan ng komisyon ang giit na proteksyon sa hanay ng mga peryodistang anila’y lubhang napag-iiwanan sa aspeto ng seguridad at kabuhayan.

Anila, napapanahon na para sa ganap nang gawing batas ang HB 454 na naglalayong sabayang bigyang proteksyon ang mga mamamahayag at isulong ang kabuhayan ng naturang sektor.

Bago pa man naglabas ng posisyon ang CHR, nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukala sa Kamara.

Sa ilalim ng HB 454, binibigyan lamang ng anim na buwan ang mga media companies na itaas ang antas ng mga media workers – gawing regular mula sa kategorya ng “contractual.”

Bahagi rin ng HB 454 ang probisyong nagsusulong ng tamang pasahod, medical at death benefits.

Para sa CHR, ang pagtataas ng antas ng mga peryodista ang magsisilbing patunay ng isang tunay na malayang pamamahayag at karapatang pantaong ginagarantiyahan sa ilalim ng isang demokratikong gobyerno.

Nararapat rin anilang kilalanin ang ambag ng mga lehitimong media workers lalo pa’t kabi-kabila ang paglaganap ng tinatawag na “fake news.” (JESSE KABEL RUIZ)

214

Related posts

Leave a Comment