BI CHIEF TANSINGCO, SIPAIN MO ANG ANAY SA AHENSYA

BISTADOR Ni RUDY SIM

ANG pagbibigay ng aginaldo sa ating kapwa ngayong Kapaskuhan ano man ang kanyang ­relihiyon ay isang matagal nang kaugalian sa ating mga Pilipino na hanggang ngayon ay patuloy na nakagawian ngunit sa kabila nito ay hindi nawawala ang mga ­mapagsamantalang nilalang na ginigipit ang ating mga kababayang naghahanapbuhay nang patas partikular sa ilang ahensya ng ating pamahalaan.

Labis ang kalungkutang nadarama ng ilang kawani ng Bureau of Immigration (BI), dahil kahit pilit silang nagtitiis sa maliit na sweldo upang ­makatustos sa pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya at upang maibangon ang pangalan ng ahensya sa pagkakalugmok nito sa mga ­kontrobersyang kaso, ginamit ng mga politiko ang ahensya para sa kanilang political ambition.

Sa pagtatapos ng taong 2022 ay maraming korapsyon ang nangyari sa panahon ni dating BI Commissioner Jaime Morente, tila nabaon na sa limot at tanging ang ilang inosenteng mga tauhan ng ahensya ang naging sacrificial lamb. Ngayong pagpasok ng bagong taon ay malaking hamon para kay Commissioner Norman Tansingco na mabago ang pagtingin ng publiko sa ahensya kaya’t nararapat lamang na bawat sulok ng kanyang tahanan ay dapat nitong pagtuunan ng pansin maging ang ilan sa mga opisyales dito na ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang ­mapagtakpan ang kasong kinasasangkutan ng kanilang kamag-anak.

Bagama’t ang kapalpakan ng ilang mga tauhan ng Odin security agency na siyang dapat nangangasiwa sa seguridad ng mga kawani at kliyente rito sa ilalim ng pamumuno ng kanilang tangang OIC na si Hermoso at kanyang tauhang si Layno, ay dapat kumilos ang tanggapan ni Tansingco maging ang Odin agency para mawala ang duda ng mga tauhan ng ahensya na mayroong pinagtatakpan at nakikinabang sa umano’y paghingi ng lingguhang “Tara” sa liaison ­officers na ginigipit umano ng ­ilang guwardiya.

Dapat na rin sigurong magpatupad ang Odin agency ng “reshuffle” sa kanilang itinalagang mga OIC sa government post upang maiwasan ang pangongotong ng kanilang mga tauhan. Marahil dahil na rin sa katagalan ay naging kaibigan na nito ang “fixers” kaya’t nagkakaroon na rin ng “under the table” para mabigyan ng pabor ang kanilang iligal na gawain.

Kung mayroong protektor itong si Hermoso sa ahensya kung kaya’t hindi kumikilos ang tanggapan sa BI na nakasasakop dito na kinukunsinti ang maling Gawain, ay dapat nang kumilos si Tansingco kung nais talaga nitong mabago ang ahensya na matagal na nitong pinagsisilbihan bilang public servant.

Ang tara sa airport na hinihingi ng ilang terminal chief, maging sa Clark International Airport, ay ating bibigyan ng pansin sa susunod na taon kung hindi pa rin ang mga ito magbabago. Maging ang ilang kasong kinasangkutan ng ilang kawani na hanggang ngayon ay natutulog at walang aksyon, pero kung ordinaryong tao ay siguradong sibak na.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, i-text lamang ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

194

Related posts

Leave a Comment