HAMON ngayon sa pambansang pulisya ang pagkakakilanlan ng sinasabi nilang mga opisyal na sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Paulit-ulit nang inihayag ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na mayroong ilang matataas na opisyal sa hanay ng pulisya ang sangkot sa pagkawala ng 34 na sabungero, ayon mismo kay CIDG chief Gen. Ronald Lee, ngunit hanggang ngayon ay wala silang matukoy sinoman sa mga ito.
Tanging tiniyak ni Lee ay patuloy ang isinasagawa nilang pangangalap ng ebidensya sa hangaring mapanagot sa batas ang utak ng sindikatong dumukot sa mga sabungero mula Metro Manila at apat na lalawigan.
Una nang nilagdaan ni PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang dismissal order laban sa limang pulis batay sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS).
Kabilang sa mga nasibak sina Police Staff Sgt. Daryl Panghangaan, Patrolman Roy Navarrete at Patrolman Rigel Brosas na una nang nakitaan ng probable cause ng Department of Justice (DOJ) para sa kasong robbery at kidnapping.
Samantala, bagama’t lusot sa kasong kriminal, sibak pa rin sa serbisyo sina P/Lt. Henry Sasaluya at Police Master Sergeant Michael Claveria na kapwa inilagay sa ilalim ng restrictive custody ng Police Regional Office 4-A.
306