Ni VT ROMANO
KINUBRA ng Boston Celtics ang ika-29 panalo (12 losses) matapos talunin ang Chicago Bulls, 107-99, sa pangunguna nina Jayson Tatum (32 points) at Jaylen Brown (19 points), Martes (Manila time) sa TD Garden.
Nagdagdag para sa defending Eastern Conference champions at kasalukuyang No. 1 team, si Grant Williams ng 20 points, habang si Al Horford ay may seven rebounds at eight points, kasama ang clutch 3-pointer sa last 24 seconds.
Nagsumite rin si Malcolm Brogdon ng 11 points sa Celtics, absent pa rin sa lineup si point guard Marcus Smart sanhi ng injury.
Nanguna sa panig ng Chicago si Zach LaVine, 27 points, 15 iniskor sa fourth quarter nang mag-rally ang team.
May tatlong sunod na panalo bago natalo ang Bulls, nilisan ni DeMar DeRozan sa third quarter bunga ng strained right quadriceps. May ambag siyang 13 points sa 23 minutong pagsalang.
Isang 3-pointer ni LaVine ang naglapit sa Chicago, 99-97 bago matapos ang fourth subalit naputol ang paghahabol nang magmintis sa jumper sa final minute, at nakuha ni Tatum ang rebound, dinribol ng 20 seconds bago ipinasa kay Horford para sa 3-pointer at 104-99 lead, 24 seconds pa sa laro.
Muling sumablay si LaVine at nang makuha ni Tatum ang bola, umatake ng two-handed dunk, nakakuha ng foul para sa free throw na siyang nagselyo sa panalo ng Celtics.
