PORN SITE DAHILAN NG TEENAGE PREGNANCY

BISTADOR Rudy Sim

NAKABABAHALA sa ating panahon ngayon ang pagtaas ng kaso ng mga kabataang menor de edad na sa gulang na 10-14 ay nabubuntis sa iba’t ibang kadahilanan imbes na ang mga ito ay makatapos muna ng pag-aaral upang maging maganda ang kanilang kinabukasan.

Napapanahon na siguro ngayon na tingnan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang epektibong paraan noon ng kanyang ama na si dating Pangulo Marcos Sr. kung paano nito protektahan noong araw ang kapakanan ng mga kabataan kaya’t sa panahong iyon ay bihirang-bihira ang mga kabataang nagbubuntis nang maaga.

Bukod sa wala pang social media noong panahon ng martial law ay nauso noong araw ang malalaswang babasahin kagaya ng “Tiktik” na abot kaya ng mahihirap at “Playboy” at “Penthouse” naman para sa mga may kaya sa buhay. Dito rin nag-umpisa sa panahon ni Marcos Sr. ang nagsulputang mga bomba star sa pelikula ngunit ito’y kontrolado pa rin ng pamahalaan.

Hindi lamang ang inflation o pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa bansa ang dapat tutukan ng pamahalaan kundi dapat ay masusing mapag-aralan kung ano ang dapat na mga solusyon sa makabagong panahon ng internet upang maiwasan ang teenage pregnancy. Malaki ang kinalaman ng social media at ilang porn sites sa bansa kung saan kahit sino ay maaaring magkaroon ng access upang makapanood ng lantarang sex videos na siyang lumalason sa isipan ng mga kabataan.

Dapat ay magkaroon din ng kamay na bakal ang mga lokal na pamahalaan sa tulong ng bawat barangay na bantayan ang mga tindahang hinahayaang makapagbenta ng inuming nakalalasing sa mga menor de edad dahil isa ito sa maruming paraan ng ilan upang samantalahin ang kahinaan ng kababaihan na kapag lasing na ay napagsasamantalahan na ang ilang mga kaso pa ay gang rape ang inabot ng pobreng biktima.

Itinutulak ng ating mga mambabatas na magkaroon daw ng batas na hanapan ng identification card ng isang motel/hotel ang kahina-hinalang mga menor de edad na pumapasok dito na ang karamihan ay biktima lamang ng “usap lang” ngunit pagdating sa loob ng kuwarto ay puwersahan nang nakuha ang kanilang gusto.

Maraming mapagsamantala sa panahong ito hindi lamang sa mga kabataang kumakapit sa patalim kundi may mga ilang kaso rin sa iba’t ibang paaralan na ang mismong kanilang guro ang nagsasamantala sa kanyang estudyante kagaya na lamang sa isang sumbong sa akin ilang taon na ang nakararaan, na isang guro sa pampublikong paaralan sa Caloocan City ang dinala pa sa isang hotel ang estudyante nito.

Upang matakot ang mga ganitong ulupong na lumilingkis sa murang kaisipan ng mga kabataan ay napapanahon na sigurong ipakita ng pamahalaan ang ngipin sa ngipin upang magkaroon ang mga ito ng takot.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

521

Related posts

Leave a Comment