UVs, multi-cab kasama sa phaseout? CORPORATE TAKEOVER SA PUBLIC TRANSPORT

BUBUSISIIN ng mababang kapulungan ng Kongreso ang “corporate takeover” sa public transport sa Pilipinas at kung sinong kumpanya ang makikinabang sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) 816 na inaka ng Makabayan bloc sa Kamara dahil hindi lang ang mga Public Utility Jeep (PUJ) ang sakop ng programang ito kundi maging ang mga UV Express at Filcabs (multi-cabs).

“The program in the guise of modernization is simply a corporate takeover of the public utility jeepney (PUJ) sector that would not only result to massive loss of livelihood of our transport workers, but also would severely affect the public since PUJ is still the most used mode public transport system,” bahagi ng resolusyon.

Ang nasabing programa ay sinimulan ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 kung saan sinabi ng grupo na kasama ang mga UV at multi-cabs dahil tulad ng PUJ ay “currently operating under an extended provisional authority only” ang mga ito.

Dahil dito, kailangan alamin umano kung sinong mga kumpanya ang makikinabang at gustong mag-takeover sa public transport na posibleng maging dahilan para tumaas pa lalo ang pasahe na walang ibang tatamaan kundi commuters.

Ngayong araw ay inaasahan ang pagsisimula ng transport strike sa kabila ng pagtiyak ng Department of Transportation (DOTr) na mananatili ang prangkisa ng mga PUJ hanggang sa katapusan ng taon imbes na sa Hunyo 30.

Subalit, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, mauulit ang transport strike na ito bago ang panibagong deadline kung walang maayos na solusyon para sa modernisasyon ng PUVs.

“At the end of the extension, transport groups will try to ask for another one. And they won’t be necessarily unjustified,” ani Salceda.

Isa sa rekomendasyon ng mambabatas ay hikayatin ang mga PUV operators at drivers na i-trade-in ang kanilang lumang sasakyan sa modernong sasakyan at hindi dapat obligahin ang mga ito na sumali sa kooperatiba.

“You don’t have to modernize. You don’t have to join a cooperative. You can just shift out of the jeepney sector altogether if you want to. You get an outright P150,000 for trading your jeepney in,” ayon pa sa mambabatas.

VP Sara kinastigo

Samantala, kinastigo ni ACT party-list Rep. France Castro si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa pagrered-tag umano sa grupo ng mga guro na sumusuporta sa transport strike at maging sa PUJ drivers at operators.

Reaksyon ito ni Castro matapos sabihin ni Duterte na “communist-inspired” ang isang linggong transport strike na makaaapekto aniya sa edukasyon ng mga kabataan.

“Napakamanhid naman ng ganyang pahayag. Sa halip na salubungin ng pag-unawa ang mga PUV drivers na matatanggalan ng trabaho dahil sa ipinipilit na modernization program ng pamahalaan ay inilalagay pa sila at ang mga grupong tulad ng ACT sa panganib dahil sa panrered-tag sa kanila ng bise presidente mismo,” ani Castro.

Ayon sa mambabatas, ang pahayag ni Duterte ay patunay lamang na hindi nito naunawaan ang kalagayan ng mga PUJ driver at operators na posibleng mawalan ng hanapbuhay dahil itinuloy ng Marcos administration ang programa ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kinikilala ng mga drayber ang istorbo o kahirapang idudulot ng transport strike at humihingi sila ng paumanhin dito pero kilalanin din natin na buhay at kabuhayan ng kanilang mga pamilya ang ipinaglalaban nila dito. Maging sensitibo sana ang mga opisyal ng gobyerno sa nararanasan ng kanilang mga nasasakupan,” ani Castro. (BERNARD TAGUINOD)

351

Related posts

Leave a Comment