SA GANANG AKIN Joe Zaldarriaga
ASAHAN na naman nating muli ang mabagal na daloy ng trapiko sa pangunahing mga kalsada sa susunod na mga araw dahil sa Mahal na Araw, na taun-taong ginugunita ng mga Kristiyano upang magbalik-loob sa Panginoon.
Bukod dito, sinasamantala rin ng mga Pilipino ang okasyong ito upang tumungo sa kani-kanilang mga probinsya dahil sa long weekend, samantalang ang iba naman ay nagtutungo sa mga pasyalan upang mag-relax at magtampisaw ngayong pormal na ring nagsimula ang panahon ng tag-init.
Naging karaniwan na ang ganitong sitwasyon tuwing buwan ng Abril kung kaya’t pinaghahandaan din ito kada taon ng pamahalaan at ng pribadong sektor na nasa larangan ng travel at turismo, pati na ng mga expressway operator katulad ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation, isa sa mga kumpanya sa ilalim ng MVP Group.
Bilang isa sa paghahanda, pormal nang binuksan para sa publiko noong nakaraang linggo ang unang bahagi ng NLEX Connector road na siyang magdudugtong sa Caloocan at España sa lungsod ng Maynila. Ang unang bahagi ng connector road ay may haba na limang kilometro at dadaan sa kahabaan ng C3 Road, 5th Avenue, Blumentritt Road, at España. Inaasahan itong magbibigay ng ginhawa para sa mga motorista dahil mas gagaan na ang daloy ng trapiko sa España, Abad Santos Ave., Rizal Ave., at Lacson Ave. Dagdag pa, ginawa rin muna itong libre ng NLEX Corp. sa ngayon.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nanguna sa pagbukas ng connector road. Magugunitang una nang sinabi ng pangulo na layon nitong paiksiin sa limang minuto lamang sa halip na 30 minuto ang biyahe mula Maynila hanggang Caloocan.
Ayon sa pangulo, inaasahan niyang magiging mahalagang suporta sa spine expressway network ng Luzon ang NLEX connector road.
Naniniwala naman si NLEX Corp. Chairman Manuel V. Pangilinan na hindi lamang sa pagpapagaan ng trapiko makatutulong ang panibagong kalsada ngunit pati na rin sa pagpapaunlad ng ekonomiya dahil mapabibilis nito ang transportasyon ng mga kalakal at produkto sa merkado, mapapaigting ang productivity ng mga indibidwal, at makatutulong sa pag-unlad ng mga komunidad.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ay malaki ang papel na ginagampanan ng mga proyektong imprastraktura at mga kalsada sa pagpapalago ng ekonomiya dahil isa ito sa mga pangunahing konsiderasyon ng mga foreign investor upang mamuhunan sa bansa kaya’t sana ay mahikayat pa ang mas maraming kumpanya upang magtayo ng mas marami pang imprastraktura sa Pilipinas.
Sa bandang huli, ang adhikaing ito ay malaking suporta sa plano ng administrasyong mas palawakin pa ang infrastructure development upang ibangon at paunlarin ang ekonomiya na higit na naapektuhan ng pandemya.
Bukod sa ating pamahalaan, ang lokal na pribadong sektor ng Pilipinas din naman ang mas nakaaalam ng pangangailangan ng bansa kung kaya’t dapat ay pagtulungan natin ang pagtatatag ng mga proyekto para sa ikagaganda ng buhay ng mamamayan at ng ating ekonomiya.
579