ANO ANG PLANO NI BOYING SA BI?

BISTADOR RUDY SIM

MATAPOS ang kontrobersyang kinasangkutan ni dating BuCor Chief Gerald Bantag sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid na siyang naging ugat ng pagkakasibak nito bilang Director General ng pambansang piitan ng bansa, ay umugong ang balita at akusasyon laban kay Department Of Justice Secretary Boying Remulla na nais lamang nito hawakan ang mga ilegal na aktibidad sa Bilibid na itinanggi naman agad ni Remulla.

Maraming sangay ng ahensya ng pamahalaan ang nasa ilalim ng kapangyarihan ng DOJ, nariyan ang NBI, BuCor, LRA at ang BI kaya’t kung magiging corrupt ang lider ng justice department ay malabo na talagang malinis ang hanay ng ating pamahalaan upang labanan kuno ang katiwalian.

Kamakailan lamang ay tinarget ni Remulla na lusawin ang isang tanggapan ng Bureau of Immigration, ang Port Operations Division, na siyang nangangasiwa ng pagbabantay sa lahat ng lumalabas at pumapasok sa mga airport sa bansa. Bunsod ng mga naiulat na katiwalian ng iilang tauhan ng BI sa airport, ay naglabas si Remulla ng isang department order na alisin na ang POD sa BI upang labanan kuno ang katiwalian.

Makatwiran kaya ang naging mga hakbang ni Boying o mayroon itong nakatagong sikreto sa likod ng anino na hindi nakikita ng mga ordinaryong mamamayan? Ang pagtitiwala kaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Remulla dahil sa tagal na rin ng kanilang pinagsamahan sa pulitika, ay hindi kaya makasisira sa hangarin ng pamahalaan na pagbabago kuno?

Wala pang isang taon mula nang maupo sa puwesto si PBBM ngunit marami pa rin ang hanggang ngayon ang katanungan na wala pa ring malinaw na kasagutan, isa na ang marami pang bakanteng puwesto sa gobyerno na wala pa rin nailalagay.

Ngunit nito lamang April 12, isang appointment order ang inilabas ng Palasyo na nagtatalaga bilang deputy commissioner ng BI, kay Atty. Joel Anthony Viado kapalit ng dating opisyal na si Mang Kanor este ni Atty. Aldwin Alegre na hanggang ngayon ay masigasig pa rin na makabalik sa ahensya matapos ang kanyang termino sa nagdaang administrasyon.

Napakasuwerte naman ni Viado, sa dami ng nais makasungkit ng puwesto sa pamahalaan ay nabiyayaan ito ng magandang puwesto. Si Viado na nagtapos ng Law sa UP ay nagsilbi rin bilang private lawyer sa law firm ni dating Senador Dick Gordon at kilalang malapit din kay Remulla dahil kasamahan ito sa Upsilon Sigma Phi, Bro ni Boying, gayundin ang isang acting deputy commissioner ng BI na si Rogelio “Ang Junjun” Gevero Jr., hmm.., ano kaya ang balak ni Pareng Boying sa BI?

Naging maganda naman sa mga kawani ng BI gayundin sa mga kliyente sa BI, ang naging performance ni Commissioner Norman Tansingco sa puwesto na masipag magtrabaho at nagbanta sa mga tiwaling tauhan ng ahensya na agad sisibakin sa puwesto ang sinomang masasangkot sa katiwalian.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

280

Related posts

Leave a Comment