MABABANG SINGIL SA KURYENTE NG MERALCO, MALAKING TULONG SA MGA CUSTOMER

SA GANANG AKIN

HINDI maitatangging panahon na talaga ng tag-init dahil sa taas ng temperatura. Kaugnay nito, inaasahang tataas din hindi lang ang demand sa kuryente kundi pati ang konsumo ng mga konsyumer dahil sa mas matagal na paggamit ng mga cooling device gaya ng aircon.

Sa kabila ng panahon ng tag-init, pampalamig ng ulo naman ang balitang hatid ng Meralco para sa 7.6 milyong customer nito.

Kamakailan ay inanunsyo ng Meralco ang pababang paggalaw ng presyo ng kuryente ngayong buwan ng Abril. Mula sa kabuuang presyong P11.4348 kada kilowatthour (kWh) noong Marso, ito ay bumaba nang halos P12 sa P11.3168.

Ang pagbaba na ito ay katumbas ng P24 na bawas singil sa bayarin sa kuryente ng isang pamilyang karaniwang kumokonsumo ng 200 kWh. Salamat na lamang at sabay-sabay bumaba ang presyo ng iba’t ibang singil na nakapaloob sa Meralco bill gaya ng generation charge, na siyang pinakamalaking porsyento ng binabayaran ng mga konsyumer.

Bumaba ang kabuuang presyo ng generation charge dahil sa mas mababang presyo ng mga kompanyang pinagkukuhanan ng supply ng Meralco at ito ay naging sapat upang kontrahin ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng generation charge sanhi ng karagdagang P0.20 kada kWh na singil dito. Nagsibabaan din ang iba pang singil gaya ng transmission, buwis, at mga subsidiya.

Kung ating babalikan, noong nakaraang buwan, inanunsyo ng Meralco ang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa mas mataas na generation charge. Upang mas mapagaan ang epekto nito sa magiging bayarin sa kuryente ng mga customer, minabuti ng kompanyang makipag-ugnayan sa mga supplier nito ukol sa utay-utay na pagsingil ng generation charge. Bilang resulta, magkakaroon ng karagdagang P0.20 kada kWh sa generation charge hanggang sa buwan ng Mayo sa halip na singilin ito ng isang bagsakan sa buwan ng Marso.

Gaya ng lagi nililinaw ng kompanya sa tuwing inaanunsyo ang paggalaw ng presyo ng kuryente kada buwan, tanging ang distribution charge lamang ang singil na nakapaloob sa buwanang bayarin sa kuryente ang napupunta sa Meralco. Nanatiling walang paggalaw ang presyo nito mula nang nagrehistro ito ng pababang paggalaw noong Agosto 2022.

Ang generation charge, transmission charge, mga buwis, at subsidiya ay pawang mga pass-through charge. Ibig sabihin, bagama’t ito ay kasama sa binabayaran sa Meralco, ito ay ibinibigay naman ng Meralco sa kinauukulan.

Ang generation charge ay napupunta sa mga generation company, habang ang transmission charge naman ay napupunta sa grid operator. Isinusumite naman sa pamahalaan ang mga bayad sa buwis, universal charge, at FIT-All.

Bagama’t bumaba ang presyo ng kuryente ngayong buwan, hinihikayat pa rin namin ang publiko na ugaliin ang pagiging matalino at masinop sa paggamit ng kuryente. Malaking tulong ito sa pagkontrol sa konsumo lalo na ngayong panahon ng tag-init.

356

Related posts

Leave a Comment