P6.7B SHABU PUZZLE MAIIWAN NI AZURIN

TULUYAN nang iiwan ni outgoing Philippine National Police chief PGen Rodolfo Azurin Jr. ang kontrobersya sa likod ng P6.7 billion shabu puzzle na yumanig sa buong organisasyon dahil sa umano’y tangkang cover-up ngayong pinaghahandaan na ng heneral ang kanyang pagreretiro sa serbisyo sa darating na Lunes, Abril 24.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, kabilang sa mga paghahanda na ito ang iba’t ibang aktibidad na dinaluhan ng opisyal kung saan nagpapahayag din ito ng pasasalamat.

Kung hindi palalawigin pa ang panunungkulan ni Azurin sa gitna ng mga katanungan kung sino ang papalit dito ay maiiwan niya ang mga kontrobersiyang idinulot ng 990 kilo ng shabu na nahuli ng PNP-Police Drug Enforcement Group.

Gayundin ang resulta ng vetting process para sa 3rd level PNP officials na naghain ng kanilang courtesy resignations.

Kabilang sa mga matunog na pangalan na maaaring humalili kay Azurin bilang hepe ng Pambansang Pulisya sina Deputy Chief for Administration PLTGEN Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Operations PLTGEN Jonnel Estomo, Director for Investigation and Detective Management ng PNP na si BGEN Eliseo Cruz, gayundin si PNP-Criminal Investigation and Detection Group chief PBGEN Romeo Caramat.

Payo ni Azurin sa susunod na mamumuno sa PNP ay maging matibay at matatag.

Ayon kay Azurin, kung nais ng kanyang successor ng totoong pagbabago sa hanay ng Pambansang Pulisya ay dapat handa nitong kaharapin ang lahat ng hamon at pagsubok na kaakibat ng kanyang pwesto.

Samantala, naniniwala ang PNP chief na nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin sa loob ng halos 9 na buwan nito sa pwesto.

Samantala, kumbinsido si Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. na kailangang magkaroon ng sistema o mekanismo para sa accountability ng mga pulis na lugmok sa iba’t ibang temptasyon dahilan upang maging tiwali ang ilan sa mga ito.

Sinabi ng Pangulo na kailangang mabuwag o matuldukan na ang pagkakasangkot ng ilang kagawad ng pulisya sa tiwaling gawain.

Mahalaga rin aniya na maipatupad dito ang accountability.

Kaugnay nito’y umapela ang Pangulo sa mga miyembro ng Pambansang Pulisya na makipagtulungan sa kanyang administrasyon lalo na’t obligasyon niyang masiguro na tumatakbo ang police force ng bansa na may buong kredibilidad.

Sa kabilang dako, naging emosyonal si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa kanyang panawagan sa mga miyembro ng PNP na maging matino at gawin nang tama ang kanilang tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan.

Sa kanyang closing remarks sa ikatlong araw ng pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang mga lokal na opisyal, inamin ni dela Rosa na hindi siya masaya na siya pa mismo na dating hepe ng PNP ang nag-iimbestiga sa mga kapalpakan, iregularidad at kapabayaan ng mga pulis.

Sinabi ni dela Rosa na masakit sa kanya na makitang may mga pulis na nagpapagamit at hindi pinahahalagahan ang organisasyon.

Aminado ang senador na masyado nang bugbog ang PNP at demoralisado ang mga miyembro nito bunsod ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa kalokohan subalit uamasa siya na makababangon ang Pambansang Pulisya.

Kumpiyansa ang senador na mayorya pa rin ng mga miyembro ng PNP ay matitino at iilan lamang ang mga sangkot sa iregularidad. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

181

Related posts

Leave a Comment