BABALA SA TUMATAAS NA KASO NG COVID-19

MY POINT OF BREW

MAHIGIT dalawang taon na ang nakararaan nang nabalot tayo sa walang katiyakan na perwisyo na idinulot ng nakamamatay na sakit na Covid-19. Nagpatupad ng total lockdown ang ating pamahalaan. Marami sa mga kakilala at kamag-anak natin ay tinamaan ng nasabing sakit at ilan din sa kanila ang namatay.

Naging isang malaking isyu noon ay kung kailan magkakaroon at darating sa ating bansa ang bakuna laban sa Covid-19. Nakatunganga ang sambayanan habang nababalitaan natin na ang ibang mayayamang bansa ay nag-umpisa na ng kanilang programa upang bakunahan ang kanilang mamamayan.

Literal na huminto ang mundo, mahigit dalawang taon na ang nakararaan nang idineklarang pandemya ang Covid-19.

Sa paglipas ng panahon, karamihan ng mga tao sa iba’t ibang bansa ay nakatanggap ng bakuna laban sa nasabing sakit at tila humina na rin ang bagsik ng nasabing virus. Malaya na tayong magbiyahe sa ating bansa at ang iba naman ay nakabibiyahe na rin sa ibang bansa. Marami rin tayong mga kilala at kamag anak na nagbabalik-bayan dito pagkatapos ng mahigit dalawang taon na hindi nakabibisita dito.

Balik normal na tayo. Subalit, mukhang tumataas na naman muli ang mga kaso ng Covid-19. Ayon sa Department of Health (DoH), nagtala ng karagdagang 2,386 COVID-19 cases, kasama na ang 20 namatay nitong nakaraang linggo. Mula ika-10 hanggang ika-19 ng Abril, may average na 341 infections ang naitala sa ating bansa. Kaya naman tumaas ng 23% mula sa average record noong ika-3 hanggang ika-9 ng buwan na ito.

Dagdag pa ng datos ng DOH, sa mga bagong kaso na naitala, 17 sa kanila ay grabe o kritikal. Ang Pilipinas ay may kumpirmadong mga kaso ng Covid-19 na umaabot ng 4 million na tinamaan at mahigit na 66,000 ang namatay simula ng pandemya noon unang bahagi ng 2020.

Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, ang bahagyang pagtaas ng dami ng kaso ng Covid-19 ay inaasahan naman sanhi nga ng pagbabalik sa normal ng kalakaran at negosyo sa ating bansa. Dagdag pa ni Vergeire na bagama’t tumaas ang bilang ng kaso ng Covid-19, ito pa raw ay nasa “manageable level”.

Ayon sa DOH, ang COVID-19 cases sa ating bansa ay maaaring maglalaro sa pagitan ng 289 hanggang 611 pagsapit ng kalagitnaan sa buwan ng Mayo.

Kaya patuloy pa rin tayong mag-ingat na hindi tamaan ng Covid-19. Gawing ugali pa rin ang pagsuot ng facemask sa matataong mga lugar. Maghugas lagi ng kamay at umiwas o lumayo sa mga taong tila may mga sintomas ng sipon at ubo.

205

Related posts

Leave a Comment