BISTADOR ni RUDY SIM
INALMAHAN ni Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang memorandum order umano ng Bureau of Immigration (BI) na harangin ito sakaling bumalik sa bansa.
Ibinunyag ni Teves ang order umano ni BI Commissioner Norman Tansingco na inalerto ang lahat ng immigration officers sa bansa noong May 17 na harangin at makipagtulungan sa iba’t ibang law enforcement agencies kapag lumapag saan mang paliparan si Teves.
Ayon kay Teves, nakapagtataka umano na ipinalabas ang nasabing kautusan ng BI na wala pang kasong naisampa laban dito na tinawag nitong isang political persecution o harassment dahil nalalabag ang kanyang karapatan kahit wala pang conviction sa ano mang court of law sa ano mang kaso na isinampa ng NBI sa DOJ kamakailan.
Depensa naman ng BI na ang utos ay bahagi lamang ng protocol o pag-monitor sa mga taong nasasangkot sa kaso lalo na sa high profile case. Nakahanda rin umano ang PNP Aviation Security Group na bigyang proteksyon ang kongresista sakaling ito ay dumating sa bansa.
Hindi rin mawala ang takot sa kanyang buhay ni Teves na itumba ito pagdating niya sa airport kagaya na lamang ng nangyari kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na kahit napaligiran ito ng airport security escorts ay isang putok mula sa magnum 357 ang tumapos sa buhay nito noong August 21, 1983 sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Kaugnay nito, humingi naman ng saklolo sa Commission on Human Rights ang abogado ng apat sa mga akusado sa pagpatay sa nangyaring Pamplona massacre na ikinamatay ng sampung katao kabilang si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Bukod sa tinatakot at pinagbantaan ang kanilang pamilya ay ginigipit at pinagkakaitan daw ng NBI ang mga akusado na makausap ang kanilang abogado.
Naging mainit naman ang nagiging batuhan ng sagutan nina DOJ Secretary Jesus Remulla na tinawag ni Teves na “Bondying”, at si Mayor Janice Degamo na tinawag naman na “Butanding”” ni Teves, dahil sa tila hinusgahan na si Teves bilang guilty sa kanyang kaso.
Mahalaga ang ginagampanan sa ngayon naming mga miyembro ng media sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko kaya’t nararapat lamang na hindi kami bumase sa press release ng sino mang nais magpapogi upang makakuha ng atensyon sa publiko. Ang investigative journalism ay dapat pairalin at tingnan ang lahat ng mga anggulo upang maging patas kanino man.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
438