GILAS PILIPINAS, TAGUMPAY SA PAG-UWI NG KAMPEONATO SA 32ND SEA GAMES

SA GANANG AKIN

ALAM ng kahit sinong sumubaybay sa 32nd Southeast Asian (SEA) Games na hindi naging madali para sa mga atleta ng iba’t ibang larangan mula sa iba’t ibang bansa ang kaharapin ang mga naturalized player ng Cambodia. Bilang host ng SEA Games ngayong taon, ang Cambodia ay mayroong pribilehiyong baguhin ang mga patakaran sa naturang torneyo. Isa sa mga pagbabagong ipinatupad nito ang pag-alis ng limitasyon sa bilang ng mga naturalized player na maaaring isama sa hanay ng mga manlalaro.

Isa ang basketball sa mga larangan kung saan nagpasok ng maraming naturalized player sa hanay ng mga manlalaro ang Cambodia. Kaugnay nito, hindi naging madali ang pinagdaanan ng Gilas Pilipinas sa muling pagkamit ng kampeonato. Nalagay pa sa alanganin ang pagkakataon ng koponan dahil sa pagkatalo nito sa Cambodia sa preliminary round.

Batid ang matinding hamon para muling maiuwi ang kampeonato, hindi napanghinaan ng kalooban ang Gilas. Baon ang puso at determinasyon, dinomina ng ating koponan ang Cambodia nang muling magharap ang mga ito para sa minimithing Gintong medalya.

Kitang-kita ang pagiging agresibo ng Gilas na hindi nagpatinag sa mga matatangkad na mga naturalized player ng Cambodia at nakipag-sabayan sa pag-rebound at paghabol ng bola tuwing libre ito. Ang matinding depensa ng koponan ay nagtulak sa Cambodia na maipit at hindi maisagawa nang maayos ang kanilang opensa. Napilitan tuloy silang tumira sa mga contested shot.

Batay rin sa istatistika, dahil sa mahusay na depensa ng Gilas, ito’y nakapagtala ng anim na steals at tatlong blocks, habang ang Cambodia naman ay may limang steals at, kahit matatangkad, walang naitalang block. Sa pamamagitan ng pinaigting na depensa ng Gilas, hindi nakaporma ang isa sa mga pinakamahusay na naturalized player ng Cambodia na si Darren Ray Dorsey na naglalaro bilang point guard. Halos wala ring magawa ang Cambodia kapag pumasok na sa paint ang mga malalaking manlalaro ng Gilas gaya nila Justin Brownlee at Christian Standhardinger para pumuntos.

Hindi rin matatawaran ang enerhiyang ipinakita ng Gilas sa opensa at depensa. Epektibo ang isinagawang mga offensive set at mga screening action para makahanap ng mga open lay-up at three-point shot.

Bagama’t mukhang pandaraya ang nangyari, wala namang nilabag na regulasyon ng SEA Games Federation ang Cambodia. Hindi lang talaga sukat akalain na sasamantalahin at aabusuhin nito ang pribilehiyong ibinigay sa kanila bilang host.

Upang maiwasan ang ganitong uri ng pang-aabusong ginawa ng Cambodia, hindi kaya dapat ang lahat ng torneyo sa basketball ay dapat nasa pangangasiwa ng FIBA para isa na lamang ang batayan ng mga torneyo sa larangang ito.

Ang maganda sa nangyari, naging mas makahulugan para sa Gilas ang muling pagkamit sa kampeonato. Hindi sila sumuko at nagpasindak sa tangkad at dami ng mga naturalized player ng Cambodia. Nanaig ang tunay na mahusay at magaling, at ang higit sa lahat, ang tunay na may puso para sa bansang kinakatawan.

596

Related posts

Leave a Comment