DPA ni Bernard Taguinod
ANG gobyerno natin ay binubuo ng tatlong sangay… ang executive, legislative at judiciary. Sa ilalim ng Saligang Batas, may kanya-kanyang kapangyarihan ang isa’t isa at may tinatawag na separation of powers.
Pero ‘yung separation of powers ay mukhang hindi nangyayari lalo na sa hanay ng executive at legislative. Sa judiciary, oo umiiral ang separation of powers, pero sa dalawang ito, hindi nangyayari.
Bakit? Dahil kung ano ang gusto ng Pangulo na maipasang batas ay siyang pinaprayoridad ng dalawang kapulungan ng Kongreso at isinasantabi ang ibang panukala na makatutulong sana sa mamamayan.
Tulad na lamang itong dagdag na sahod sa mga manggagawa sa gitna ng lumolobong inflation rate, hindi kasama ‘yan sa priority bills ng Pangulo kaya malabong maipasa dahil walang basbas ng Presidente.
Open secret naman ‘yan noon pa na walang batas ang pwedeng lumusot sa Senado at Kamara na walang basbas ang Pangulo.
Wala ring separation of powers pagdating sa kung sino ang dapat mamuno sa dalawang Kapulungan dahil kung sino ang napupusuan ng Pangulo ang siyang maluluklok na Senate President at House Speaker.
Walang puwedeng umupo sa dalawang puwesto na iyan na hindi gusto ng Pangulo o walang basbas ang Pangulo kaya diyan pa lang ay hindi na umiiral ang separation of powers.
Kahit sa pagkudeta pala ay kailangang may basbas ang Pangulo. Mismong sa bibig ni GMA nanggaling ang mga katagang… “Every politician worth his or her salt would know that in the Philippines, no House coup can ever succeed without the consent of the President. That is simply a fact of life in Philippine politics”.
Ibig sabihin, kung ayaw ng Pangulo sa nakaupong House Speaker o Senate President, puwede niyang ipakudeta ang mga ito para iupo ang kanyang tao para sa proteksyon niya?
Parang sinasabi ni GMA na may basbas si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang ikudeta niya si dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez noong 2018 na naging madrama dahil itinaon iyon sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Digong.
‘Yan ang negatibong epekto ng multi-party system sa ating bansa. Marami sa mga mambabatas ay walang bait sa sarili dahil kung ano ang sasabihin ng Pangulo sa kanila ay siya nilang susundin.
Sino man ang hindi susunod ay magiging ordinaryong miyembro na lamang ng Kongreso pero hindi ‘yan mangyayari sa two party-system. Kaya pala hindi nakauusad ang panukalang two party system bill.
Sa Amerika, ang Republican ang namumuno ngayon sa US Congress dahil sila ay may pinakamaraming nahalal na miyembro noong nakaraang eleksyon sa kanilang bansa.
Ganyan dapat ang gawin sa sistema ng pulitika sa ating bansa para kapag mas marami ang nahalal na oposisyon ay sila ang mamuno sa Kongreso at hindi dahil idinikta ‘yun ng Pangulo.
154