KALIWA’T kanan ang isinasagawang pagpupulong ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio sa kanilang partners, stakeholders at iba pang organisasyon, maging lokal man o dayuhan para sa lalo pang ikabubuti ng revenue collections ng ahensya.
Ika nga ng kasabihan, ‘Kayod Marino’ si bossing (Comm. Rubio) para sa dagdag kaalaman kung paano paaapawin ang kaban ng customs sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kung hindi tayo nagkakamali, ang BOC ay mayroong buwanan, quarterly at yearly target na kinakailangan nilang makolekta sa pamamagitan ng duties and taxes.
Kaya si Comm. Rubio ay hindi magkandaugaga sa pag-iisip ng diskarte kung paano nila malalagpasan ang kanilang target.
Isa sa tinatawag na “juicy position” ang pagiging hepe ng Customs at hindi mailalagay sa pwesto na ito ang hindi malapit sa Pangulo.
Sa katunayan, si Comm. Rubio ay kababayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Ilocos Norte kaya ganoon na lamang ang tiwala sa kanya ni PBBM.
Kaya hindi niya bibiguin si PBBM, pagsisikapan niya na kung ano ang naabot ni dating acting Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ay lalagpasan niya pa.
Hindi naman nabigo si PBBM sa pagpili kay Rubio bilang hepe ng Customs dahil nitong nakaraang buwan, Mayo 2023, ay nalagpasan nila ang kanilang Revenue Collection Target.
Ang kabuuang koleksyon ng BOC, ay nakapagtala ng P77.793 bilyon para lamang sa nasabing buwan.
Nalagpasan nila ang kanilang target collection na P72.350 bilyon ng P5.443 bilyon o 7.52%.
Ito ay kapansin-pansin na paglaki ng P11.505 bilyon o 17.36% kung ikukumpara sa nakaraang taong koleksyon nila.
Kaya naman umani ng papuri ang pamunuan ni Rubio, partikular mula kay Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno.
Ang BOC ay nasa ilalim ng DOF, kasama ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nitong nakaraang Mayo 10, 2023 ay nagpalabas ng Customs Personnel Order No. B-64-2023 para sa reassignment/designation ng district collectors at iba pang opisyal nito.
Ito ay ang malawakang balasahan sa Customs sa ilalim ng pamumuno ni Rubio.
Siyempre nga naman, kailangang gawin ni Rubio ang pagbabago sa mga dating nakaupo sa kani-kanilang mga pwesto.
Malamang, ayaw ni Rubio ang tinatawag na “familiarization” sa kanyang mga opisyal sa kani-kanilang mga pwesto.
Pagka kasi matagal na ang isang opisyal sa kanyang pwesto, ay nagiging pabaya na ito at dito na rin lumalabas ang mga kalokohan ng ilan.
Hindi umaasa ang taumbayan na 100% mawala ang smuggling sa bansa, basta mabawasan ito ay malaki nang kapakinabangan ng mga Pilipino.
JOEL O. AMONGO
