RESPETO SA INSTITUSYON

DPA Bernard Taguinod

NOONG bagitong reporter pa lamang ako ay na-assign ako sa Senado at nadatnan ko roon ang mga batikang senador tulad nina Neptali Gonzales, Arturo Tolentino, Lorenzo Tañada, Ernesto Maceda, Edgardo Angara, Raul Roco, Juan Flavier at iba pang kagalang-galang na mga senador.

Walang siga at walang bastos sa kanila sa mga committee hearing. Kung magsalita sila at kumilos ay talaga namang igagalang mo kaya mataas ang pagtingin ng mga tao sa institusyon noon.

Mas mataas ang pagtingin ng mga tao sa Senado noon kumpara sa Kamara kaya maraming kongresista ang gustong maging senador pero ilan lang ang sinuwerte dahil mas maraming kalaban sa senatorial race kumpara sa congressional race na kung minsan ay wala pa silang kalaban at kailangang sikat ka.

Hindi nakasulat sa rules na dapat kumilos ang mga senador nang maayos pero ginagawa nila ‘yun bilang paggalang sa institusyon. Huwag na bilang isang senador, kundi sa institusyon na lang.

Kahit sina dating Sen. Ramon Revilla Sr., dating Sen. Robert Jaworski at Sen. Lito Lapid ay hindi ginamit ang kanilang kasikatan para magpakitang gilas agad-agad sa Senado.

Kahit si Renato Cayetano na sanay na sa debate sa labas ng Senado bago naging senador, ay hindi rin agad umepal sa mga committee hearing at maging sa session hall.

Nag-obserba muna sila sa ginagawa ng mga senador na nauna sa kanila at kapag nasa committee hearing ay tahimik lang silang nakikinig sa mga diskusyon pero hindi nagsusuklay ng bigote at walang nagmumura.

Bago magsimula ang session, puno ng mga tao ang session hall at nakikipagtsikahan sila sa mga reporter, merong nagtatawanan, nagsasalita ng malakas at nagbibiruan.

Pero kapag oras na ng session, nakaupo na ang mga senador sa kani-kanilang upuan at nakikinig na sa mga debate. Walang nagtatawanan, walang nagtsitsismisan habang may nagdidiskusyon.

‘Yung mga bagito o bagong salta lang sa Senado, nag-oobserba rin muna at hindi agad nakikipagdebate dahil kung magmamarunong sila, mapapahiya lang sila sa mga batikang senador na sanay na sa debate.

Pero mukhang iba na ang Senado ngayon dahil bumababa na ang paggalang ng mga tao sa institusyon, siguro dahil sa ikinikilos ng ilang senador lalo na ang mga baguhan sa institusyon.

Masuwerte lang sila at wala ‘yung mga matatanda na karaniwang nagbabawtismo sa kanila kapag nakipagdebate sila sa kanila nang hindi handa at hindi alam ang mga sinasabi nila.

Wala nang ipinagkaiba ang session hall ng Senado sa session hall ng Kamara dahil kung paingayan lang din ang pag-uusapan at paramihan ng mga miyembro na hindi nakikinig sa pinag-uusapan, ay walang tatalo sa mga congressman.

Hindi na rin nalalayo ang Senado sa Kamara pagdating sa committee hearing dahil may mga congressman din ang bastos at nagsusubo ng mga salita sa mga resource person.

487

Related posts

Leave a Comment