MATITIKMAN na sa Hulyo ang pilot run ng Food Stamp Program.
Makikipagtulungan ang Department of Agriculture (DA) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paglulunsad ng programa. Ito ay sa pamamagitan ng Kadiwa.
Bida uli ang DA, at magiging kahati ng DSWD sa programang sasabihing malaking hakbang at nagpapakita ng malasakit at suporta sa mahihirap na pamilya, na kinabibilangan din ng mga single parent at nagpapasusong mga ina. Nasa 1 milyon ang benepisyaryo ng programa.
Ayos ang plano, pero para kanino at sino ang higit na mabibigyan ng kredito?
Isa na naman ito sa pantakip sa tunay na nangyayari na walang sapat na matatag na trabahong malilikha ang pamahalaan para isulong ang balatkayong hakbang na iahon ang mga tao sa kahirapan at huwag mawili sa kaaasa sa ayuda.
Trabaho at hindi ayuda ang kailangan ng mga Pilipino. Hangga’t hindi lumilikha ng trabaho ang pamahalaan ay patuloy ang pamamalimos ng mahihirap.
Namimihasa sila sa ayuda dahil may nawiwiling magkaloob.
Ang Food Stamp program ay patunay na patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda kaya paano mawawala ang limos?
Kung ang isang programang pang-ayuda, gaya nitong food stamp, ay patuloy na madaragdagan ay malabo nang makawala sa palaasang kultura ang Pinoy.
Kung ang nagkakaloob ng kaunting grasya sa nakalahad na palad ay may balak na magpunla ng utang na loob na kanilang sisingilin at gustong anihin pagdating ng sagradong pilian, tiyak na hindi mawawala ang ayuda.
Laging aasa sa limos ang mahihirap. Patuloy ang pagkakaloob ng ayuda. Kabuntot naman ng pagkakaloob ang utang na loob.
239
