Tumugon na sa ating panawagan na mabilis na mapauwi ang apat (4) na OFW na nasa Al Madinah, Saudi Arabia. Naisulat natin sa nakaraang column ang pagdurusa nina Gina Lanasa, Nasrene Pahuyo, Jonalyn Formalejo at Elma Coralde na pilit na pinagtrabaho bilang cleaner sa King Fish Restaurant sa KSA Al Madinah Al-Munarawa Al Hijrah Road. Ang apat nating OFW ay hindi binabayaran ng kanilang sweldo at hindi binigyan ng sapat at maayos na tulugan dahil sila ay natutulog lamang sa loob ng maliit na kuwarto sa mismong restaurant na kanilang pinagtatrabahuhan.
Tututukan natin ang kaso na ito, dahil ayon sa impormante ng Bantay OFW na isa ring tauhan ng Allied International Manpower, ay hindi seryoso ang kanilang amo na isang Saudi Arabia national na kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas at umaaktong General Manager ng recruitment agency. Hiniling din natin sa Allied International Manpower Services na masiguro na hindi kukumpiskahin ang mga cellular phone ng apat nating OFW upang masiguro na nakakapagbigay ito ng update sa kanilang sitwasyon.
Ayon sa huling impormasyon na aking nakuha ay sinabi ng naturang agency na hindi nila sasagutin ang pamasahe ng OFWs pauwi ng Pilipinas. Kapag ginawa ito ng ahensya ay sisiguruhin natin na mananagot ang ahensyang ito at kung kinakailangan na hilingin na masuspendi o ma-cancel ang lisensya nito ay ating gagawin.
Samantala, humihingi ng saklolo ang isa sa kapatid ni Joana Rose Del Rosario na isang HSW o house service worker sa Jeddah, Saudi Arabia. Ayon sa sumbong na aking natanggap ay na-deploy si Joana noong Nobyembre 18, 2018 ng kanyang ahensya na Pacific E-links International Recruitment Corporation.
Ang problema ni Del Rosario ay hindi siya binibigyan ng sapat na pagkain at kung minsan pa nga ay may araw na hindi siya pinapakain. Minsan ay nakakakain lamang siya sa tuwing inililipat siya sa ibang bahay na kanyang lilinisin.
Noong nagsumbong ang pamilya ni Del Rosario sa ahensya ay lalong naging malupit ang kanyang employer na kung saan ay hinalughog ang kanyang mga gamit at siya ay hinubaran pati ng kanyang panty upang hanapin ang cellular phone na kanyang ginagamit para makahingi ng tulong.
Noong natagpuan ng kanyang employer ang kanyang cellular phone ay lalo itong nagalit at ginupit ang kanyang buhok.
Tinatawagan natin ng pansin at mabilis na aksyon ang naturang recruitment firm upang mabilis na mapauwi sa Pilipinas si Del Rosario bago pa mapasama nang husto ang sitwasyon ng ating OFW. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
151