(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TALAMAK ang “human trafficking” at illegal games sa POGO sa dating Island Cove sa Cavite pero hindi ginagalaw ng mga awtoridad.
Isiniwalat ito sa SAKSI Ngayon ng isang impormante na humiling huwag banggitin ang kanyang pangalan.
Aniya, mas dapat unahin ng mga awtoridad na salakayin ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa nasabing lalawigan dahil bukod sa human trafficking ay may nagaganap ding ilegal na mga pasugalan na pinagmumulan ng krimen na kadalasang kinasasangkutan ng mga Tsino.
Pagbubunyag pa ng impormante, isang kongresista, miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at kilalang negosyanteng Chinese ang mga kasosyo sa POGO operation sa Cavite.
Nauna nang iniulat ng pahayagang ito na kumpetisyon sa negosyo ang tunay na motibo sa likod ng pagsalakay sa POGO hub sa Las Piñas City noong isang linggo kung saan may mga nasugatan umanong dayuhan.
Diumano, ayaw ng isang dating mataas na opisyal ng Comelec, isang gabinete ng Marcos administration at business partner ng mga ito na nagngangalang “Robert” na maapektuhan ang kanilang POGO operations kaya nila pinahuli ang kanilang mga kakumpitensya.
Ayon pa sa impormante, ang POGO operations ng mga nabanggit ay matatagpuan sa isang gusali sa Shaw Blvd., Mandaluyong City. Mayroon din umanong operasyon ang mga ito sa Pasay at Calamba, Laguna.
“Ang ginagawa nila ay i-raid at isara ang other legitimate operators para lumipat sa kanila ‘yung both employees and bettors in the guise of human trafficking,” pagbubunyag pa ng impormante.
“Lahat ng POGO ay meron nang illegal activities dahil sa higpit ng kompetisyon at hindi mag-survive kung “legit” lang ang operations mo,” dagdag pa nito.
Matatandaang naharap sa kontrobersiya ang Philippine National Police (PNP) matapos salakayin noong Lunes ng gabi (June 26) ang isang POGO hub sa Las Piñas City.
Kasama umano sa nasamsam ng pulisya ang hindi pa mabilang na multi-milyon pisong pera at mga dokumento ng mga Chinese POGO employees.
Maging ang pera, alahas, cellular phone at mahahalagang gamit ng mga empleyado ay kinumpiska rin ng pulisya.
“Kabulaanan ang press release ng PNP Anti-Cyber Group na “rescue operations” ang ginawa nila sa Las Piñas. If it were to ‘rescue’ the 2,700 workers, why do they have to ‘arrest, book and detain’ those supposed victims of human trafficking, eh biktima nga sila?” ayon pa sa impormante.
Malinaw umanong pagkagahaman at ambisyon ng magkakasosyong opisyal ng gobyerno at politiko ang ugat ng panggigipit sa ilang POGO dahil nais nilang masolo ang nasabing negosyo.
