MATITINO SA GOBYERNO NAUUBOS NA BA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAUUBOS na ba talaga ang lahi ng mga matitinong lider ng bansa?

Naitanong ko ito dahil sa obserbasyon ni Baguio City Rep. Benjamin Magalong na kapag sa usapin ng katiwalian ang pag-uusapan, iilan lang ang nagsasalita laban dito lalo na sa dalawang kapulungan ng Kongreso at wala rin daw interes dito ang local executives.

Totoo ‘yan, habang tumatagal, wala nang nagsasalitang mga congressman at senador laban sa katiwalian sa gobyerno. Kahit anong pangungulit din ng mga reporter sa mga mambabatas para magsalita hinggil sa corruption ay walang gustong magsalita.

Ang mga nagsasalita na lamang sa Kamara ay ang mga militanteng mambabatas at maging sa minorya ay sarado ang bibig lalo na kung ang sangkot ay nasa puwesto, habang sa Senado ay sina Sens. Risa Hontiveros at Koko Pimentel na lamang ang pumupuna. Maingay lang sila sa ibang usapin na walang konek sa mga nasa itaas.

Pero hindi na ako nagtataka kung sarado ang bibig ng mga kongresista dahil bahagi sila (lagi naman) ng administrasyon dahil sa alyansang pampulitikal na binubuo kapag may bagong pangulo at malakas ang puwersa ng kanilang presidente sa Kongreso.

Kapag kasali na sa tinatawag naming majority coalition sa Kongreso ang isang mambabatas, huwag mong asahan na magsasalita na ‘yan laban sa katiwalian dahil kung hindi ay baka mawalan ka ng grasya….proyekto ang ibig kong sabihin.

Alam naman ng lahat na hindi nawala ang pork barrel. Meron pa rin pero wala nang pangalan para hindi magkabukuhan dahil kung walang pork barrel, paano magkaroon ng proyekto ang mga kongresista sa kanilang distrito?

‘Di ba sa mga nakaraan, may mga kongresista ang nagrereklamo dahil milyon lang ang halaga ng proyekto ang napunta sa kanyang distrito habang ‘yung iba na dikit sa kusina ay bilyon-bilyon ang halaga ng proyektong ibinigay? Ibig sabihin may pork barrel pa rin.

‘Yan ang mga pangunahing dahilan kaya tumatahimik na lang ang mga kongresista sa isyu ng corruption dahil baka mainis ang mga nasa taas sa kanya ay wala siyang maiuuwing proyekto sa kanyang distrito at hindi na muling mahalal pa.

Tuwing budget hearing naman, walang kumakalkal sa katiwalian sa isang ahensya maliban sa mga militanteng mambabatas pero hindi nasasagot nang husto ang mga tanong dahil binibigyan lang sila ng 5 minuto sa pagbusisi sa badyet.

Pero may kasalanan din ang mayorya sa atin kung bakit nauubos na ang matitinong lider ng bansa dahil ibinoboto pa rin natin sila. Alam natin na sangkot sila sa corruption, may mga kaso ng katiwalian at wala namang naitulong sa atin para umangat ang buhay natin pero ibinoboto pa rin n’yo sila.

Tayong mga botante ang may malaking kasalanan kung tutuusin kung bakit palala nang palala ang katiwalian sa gobyerno eh, dahil tuwing eleksyon, laging inuuna n’yo ang sarili ninyo bago ang bansa sa kabuuan at kapag hindi tinupad ng ibinoto n’yong pulitiko ang kanyang pangako eh saka lang kayo magsisisi.

Minsan, isang tindero na kasunod ko sa pagpapagupit sa isang barberya ang reklamo nang reklamo dahil ang taas ng presyo ng bilihin at hindi raw siya nagmimiryenda para lang makatipid dahil may tatlong anak na maliliit pa at hindi rin daw nila malapitan ‘yung local leaders na kanilang ibinoto noong nakaraang eleksyon.

Tinanong ng barbero kung sino ang ibinoto niyang presidente at local leaders. Nanalo naman lahat ang kanyang ibinoto at inamin na nakatanggap siya ng bayad na ang tawag niya ay “pansarili” lang pero sising-sisi siya ngayon dahil ‘yung mga pangako ng mga ibinoto ay kabaliktaran ang nangyayari. Kitam!

138

Related posts

Leave a Comment