INILUNSAD ng Malacañang ang bagong tanda ng pamamahala at liderato na tinawag na “Bagong Pilipinas,” na inilalarawan ang may prinsipyo, may pananagutan at maaasahang gobyerno.
Ang Bagong Pilipinas ay parte ng branding at communication strategy ng pamahalaan, ayon kay President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang memorandum circular.
Ito ang magiging bagong tatak ng liderato ni Marcos para isulong ang paglago ng ekonomiya at komprehensibong policy reforms.
Ang Bagong Pilipinas ni Marcos Jr. ay nagpapaalala ng Bagong Lipunan noong panahon ng diktatoryal na pamumuno ng kanyang ama noong martial law.
Hindi kwestyon ang bagong marka. Ginawa ito ng mga dating presidente. Ginamit din ng mga dating administrasyon ang sarili nilang slogan. Ang administrasyon ni Fidel Ramos ay may “Philippines 2000”, kay Joseph Estrada ay “Erap Para sa Mahirap”. Binandera ni Gloria Macapagal-Arroyo ang “Strong Republic”, habang kay Benigno Aquino III ang “Daang Matuwid” at si Rodrigo Duterte ay may “Change is Coming.”
Ngunit, palaisipan kung mabibigyan ng katwiran at saysay ang kampanyang Bagong Pilipinas na kopya lang ng Bagong Lipunan.
Ginawang bago kaya dapat maisakatuparan ang mga planong nakakabit dito.
Hindi nakasalalay sa bagong slogan at logo ang pagtupad ng tungkulin. Ang serbisyo at liderato ay dapat maging marka ng administrasyon. Walang magagawa ang logo kapag walang puwang sa namumuno ang tunay na uri ng mahusay na pamamahala.
Nahihirati na ang administrasyong Marcos sa rebranding at pagpapabango at pagpapaganda ng imahe. Kinalimutan na ang paglutas sa mga problema ng bansa at pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa mga tao ang pinakapormang slogan at logo na magbibigay ng magandang hitsura ng pamamahala.
Ang Bagong Pilipinas logo ay sumisimbolo sa adhikain ng administrasyong Marcos para sa kaunlaran ng bansa. Simbolo lang kaya ng pagkahumaling sa mga slogan at logo na tinadtad ng kritisismo?
Ano ang palagay mo sa bagong tanda ng pamamahala ng administrasyong Marcos?
294