SAKLOLO!!!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

ITO ang nagkakaisang sigaw ng mga residente ng North Grove Subdivision, Brgy. Sta. Monica, San Simon, Pampanga dahil posibleng hindi na nila mapakinabangan ang kanilang housing units dahil hindi humuhupa ang tubig-baha sa kanilang lugar.

Mistulang ilog na ang buong Phase 1 ng North Grove Subdivision nitong nakaraang araw na kasagsagan ng mga pag-ulan dahil sa Bagyong Egay.

Bangka na ang ginagamit na transportasyon ng mga residente sa nabanggit na subdivision dahil sa taas ng tubig-baha sa kanilang lugar.

Dati nang binabaha ang kanilang kinalalagyan, ngayon lalo pang lumala nang tambakan ng lupa at itaas ang Phase 2 ng subdivision at naging bagsakan ng tubig-baha ang Phase 1 na pinakamababang lugar sa area.

Matagal na nilang inirereklamo ang kanilang problema dahil konting ulan lang ay bumabaha na sa kanila lugar (Phase 1), subalit sa halip na aksiyunan ng pamunuan ng Northern Star Realty and Development Corporation na developer ng North Grove Subdivision, ay tinaasan pa ang Phase 2 na lalo pang nagpalubog sa Phase 1.

Ilang beses na nilang idinulog sa developer ang kanilang problema, subalit nangangako lamang ang ilang mga opisyal nito.

Isa sa nakilala nilang opisyal nito ay si Kelvin Yu na wala rin umanong ginagawang aksyon sa kanilang reklamo.

May mga letter of complaint na rin sila sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, subalit wala pa ring ginagawa aksyon ang mga ito.

Nakarating na rin sa Local Government Unit (LGU) ng San Simon, Pampanga ang kanilang hinaing, ganoon din, wala ring ginawang aksyon si Mayor Abundio S. Punsalan, Jr.

Ang munisipalidad ng San Simon ay 3rd class municipality na may 59,182 populasyon ayon sa isinagawang census noong 2020, at binubuo ng 14 barangays.

Ang bayang ito ay accessible via North Luzon Expressway via San Simon exit.

Ayon sa mga nakapanayam ng PUNA, noong ibinebenta pa lang sa kanila ang mga unit ng North Grove Subdivision, ay sinasabing hindi raw binabaha dahil kapantay lang ito ng NLEX.

Dati nang binabaha ang Phase 1 noon, lalo pang tumaas ang baha ngayon dahil na rin sa binarahan ang daanan ng tubig-baha sa lugar.

Tinatawagan natin si Pampanga Governor Dennis Pineda, sana sir, matulungan n’yo ang mga residente ng North Grove Subdivision sa Brgy. Sta. Monica, San Simon.

Sir, pinabayaan na ang mga residente ng North Grove Subdivision ng Northern Star Realty and Corporation, sa halip na tulungan sila ay tinaasan pa ang Phase 2 na lalo pang nagpataas ng tubig-baha sa Phase 1.

Sa pinakahuling natanggap nating impormasyon, may namatay na sa nabanggit na lugar matapos makuryente dahil sa mataas na tubig-baha.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

538

Related posts

Leave a Comment