ARESTADO sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng Manila District Cybercrime Team (MDACT) ang 21-anyos na transgender dahil sa panggogoyo sa isang special child, sa isang mall sa Ermita, Manila noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang suspek na si alyas “Ann Antukin/ Sunata Hen”, estudyante at residente ng Quezon City.
Base sa ulat ni Police Captain Marlon Flores, team leader ng MDACT, bandang alas-11:09 ng umaga nang ilatag ng grupo ang entrapment operation sa loob ng isang mall sa Ermita na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Napag-alaman, nabuking ng mga magulang ng biktima na may relasyon ang dalawa noong Abril dahil sa personal messages nila sa Facebook
Humingi umano ang suspek ng P10,000 sa biktima para ituloy ang kanilang relasyon.
Bunsod nito, naisipan ng biktima na mang-umit ng pera sa kanyang ina at nang madiskubre ito ng ginang ay humingi ng tulong sa mga awtoridad na agad namang naglatag ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 317 (Swindling a Minor) ng RPC, na inamyendahan ng RA 10951, RA 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act”, at RA 11930 o “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children” (OSAEC), at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act”, na pawang may kaugnayan sa Sec. 6 ng RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012”.
(RENE CRISOSTOMO)
143