NILINAW kahapon ni Secretary of the Interior and Local Government and National Police Commission (Napolcom) Chairman Atty. Benhur Abalos Jr. na hindi pa opisyal ang ikakasang reshuffle sa walong senior high-ranking PNP officials.
Ayon kay SILG Abalos, dapat rekomendasyon pa lamang ni PNP Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr. dahil kailangang dumaan muna sa kumpirmasyon ng Napolcom bago aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang reshuffle.
“Linawin lang natin na may prosesong kailangang sundin. Ang listahan ng mga napiling opisyal ay isusumite sa Napolcom para sa kumpirmasyon. Kung makumpirma ng Napolcom, mapupunta ‘yung listahan sa Pangulo para sa kanyang pag-apruba,” paglilinaw ni Abalos.
Kamakalawa ay mabilis na kumalat ang balitang pagpapatupad ng PNP sa Special Orders Number NHQ-SO-URA-2023-5037 na nilagdaan ni Maj. Gen. Robert Rodriguez, director ng Personnel and Records Management hinggil sa pagtatalaga sa apat na major generals at apat brigadier generals sa mga bagong posisyon kabilang ang pinuno ng PNP-National Capital Region Police Office, Directorate for Intelligence, Directorate for Investigation and Detective Management, at Directorate for Logistics.
(JESSE KABEL RUIZ)
