POSIBLENG hindi na makalahok sa darating na Mayo 9, 2022 national at local elections ang National Firemen’s Confederation of the Philippines – Ang Bumbero ng Bayan, Incorporated (ABB-NFCPI) matapos itong magsinungaling sa kanilang mga dokumentong isinumite sa Commission on Elections (Comelec) para sa rehistrasyon ng kanilang grupo bilang isang party-list.
Base sa nakuhang mga dokumento ng SAKSI Ngayon, dalawang grupo ang naghain ng kanilang petisyon sa Comelec para ipakansela ang rehistrasyon ng ABB-NFCPI.
Kabilang sa mga ito ang League of Parents of the Philippines sa pangunguna ng kanilang presidente na si Remedios V. Rosadio, na may office address sa #9025 Jupiter St., San Felipe Subdivision, Brgy. Mojon, Malolos City at Katuparan Building Coordinators Officers and Members Association, Incorporated sa pamamagitan ng kanilang presidente na si Tomas E. Jaldo, Jr., na may office address sa Katuparan Condominium, Vitas, Tondo, Manila.
Batay sa petisyon ng League of Parents of the Philippines sa pamamagitan ni Rosadio na isinumite noong Nobyembre 15, 2021 sa Comelec, pinakakansela nila sa Comelec ang rehistrasyon ng “ABB-NFCPI” bilang isang party-list sa pangunguna ng kanilang presidente na si Edward M. Tan dahil sa kanilang pagsisinungaling.
Partikular na tinukoy ng League of Parents of the Philippines sa petisyon na inihain ng respondent sa pamamagitan ng presidente na si Edward Tan sa Honorable Commission noong nakaraang Abril 6, 2021 na nakalagay sa kanilang Articles of Incorporation and By-Laws.
Sa ilalim ng nasabing official document, malinaw na nakalagay ang pangalan ay “National Firemen’s Confederation of the Philippine, Incorporated.”
Subalit ang nakasulat sa kanilang confederation acronym ay “ABB-NFCPI” na naka-enclosed parenthesis na ipinakita ng kanilang presidente na si Tan.
Kapareha ito sa nasabing petisyon na ginagamit sa sertipikasyon noong Marso 23, 2021 ni Ginoong Tan at isa pang sertipikasyon noong Marso 30, 2021 na ginamit naman ni Segundo Embang, Jr., fire chief na nakalagay na “National Firemen’s Confederation of the Philippines, Inc.” na mas kilala bilang “National Firemen’s Confederation of the Philippines – Ang Bumbero ng Bayan, Inc., (ABB-NFCPI).
Tinukoy pa ng petitioner na malinaw na ang ginawa ng respondent sa kanilang petisyon para sa rehistrasyon ng kanilang grupo bilang isang party-list sa Comelec ay hindi totoo.
Binanggit pa ng League of Parents of the Philippines na ang sinumang isinagawa ang sertipikasyon na ginamitan ng pagsisinungaling ay guilty sa “perjury”.
Ito ay nakita sa sertipikasyon na ang “National Firemen’s Confederation of the Philippines, Inc.” na mas kilala ngayon bilang “National Firemen’s Confederation of the Philippines – Ang Bumbero ng Bayan, Inc.”
Subalit sa katotohanan ay walang official documents o corporate na ginawa na magpapatunay na inamyendahan ang kanilang Articles of Incorporation para sa pagpalit ng kanilang corporate name.
Pangalawang naghain ng petisyon sa Comelec ang Katuparan Building Coordinator Officers and Members Association, Inc., sa pamamagitan ng kanilang presidente na si Tomas E. Jaldo, Jr., laban sa ABB-NFCPI noong Nobyembre 25, 2021.
Ayon sa petisyon ng Katuparan Building Coordinator Officer and Members Association, Inc., batay sa records ng respondent sa kanilang inihaing petisyon para rehistrasyon ng kanilang grupo sa Honorable Commission noong Abril 6, 2021, lumalabas na ang nakarehistro ay “National Firemen’s Confederation of the Philippines, Inc., na walang nakalagay na acronym na “ABB-NFCPI” na
“National Firemen’s Confederation of the Philippines – Ang Bumbero ng Bayan Inc.
Ang paggamit umano nila ng nasabing acronym at ibang pangalan ay malinaw na pagsisinungaling at paglabag sa Rule 2, Section 2, Par. 7 ng Comelec Resolution No. 9366.
Nauna rito, ang Comelec Second Division ay naglabas ng Resolution sa petisyon na inihain ni Tan at presidente ng ABB-NFCPI noong Marso 31, 2021 para sa rehistrasyon bilang isang sectoral party-list organization.
Ang Resolution na ito ay kinuwestiyon ng dalawang grupo dahil sa mga kasinungalingan ng ABB-NFCPI sa kanilang mga isinumite sa Comelec.
Kabilang din sa kinuwestiyon ng League of Parents of the Philippines ay ang petisyon para sa rehistrasyon ABB-NFCPI na inihain noong Abril 6, 2021, samantala nakasaad sa Comelec Resolution No. 10695 na ang huling araw para sa ‘filing of petitions for registration and manifestation of intent to participate of REGISTERING party-list groups, coalitions or organization’ ay noong Marso 31, 2021 (Miyerkoles).
Ang mga kasinungalingan na ginagawa ng ABB-NFCPI ay matibay na basehan para hindi na sila makalahok sa darating na May 9, 2022 national at local elections. (JOEL O. AMONGO)
