NANAWAGAN ang isang abogado na buwagin na lang ang Senado at itira si Senadora Risa Hontiveros kasunod ng isyu ng umano’y budget insertion sa Senado.
Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Jesus Falcis, na maaari namang buwagin ang Senado, bukod kay Hontiveros, dahil pareho lang ang tungkulin nito sa Kamara.
“Abolish pork barrel or abolish Senate? Charot! Open bicam proceedings muna para walang secret budget insertions,” wika ni Falcis sa kanyang post.
“Pero pwede din abolish Senate – except for Senator Risa Hontiveros, karamihan diyan redundant lang naman functions sa Congressmen (which is chiefly to legislate),” dagdag pa niya.
Ang budget insertions na binanggit ni Falcis ay pasaring kay Senate president Chiz Escudero, na napabalitang nagpasok umano ng malaking pondo sa 2025 national budget.
Sa ulat, 142.7 bilyon umano ang na-insert sa panukalang ₱6.3-trilyong 2025 national budget, para sa mga kuwestiyonableng infrastructure at flood control projects sa Bulacan, na kilalang balwarte ni Sen. Joel Villanueva at umano’y nakakuha ng ₱12.08 bilyon.
Napunta naman daw sa Sorsogon, na lalawigan ni Escudero, ang ₱9.1 bilyon; Mindoro (₱8.37 bilyon); Batangas (₱7.32 bilyon); Davao (₱7.2 bilyon); Misamis Occidental (₱6.5 bilyon); Quezon (₱5.9 bilyon); Cavite (₱5.6 bilyon); Valenzuela City (₱4.251 bilyon); at Cebu (₱4 bilyon).
Sa nasabing halaga, P17 bilyon ang inilaan para sa flood control projects.
Si Falcis ay kilalang kaalyado ni Hontiveros, na nagpahayag na ng intensiyong tumakbo bilang pangulo sa 2028 elections. (EG)
