ABOLISYON NG KAFALA SYSTEM, ISINULONG NI PANGULONG DUTERTE

LABIS-LABIS ang kaligayahan ng mga pinuno ng iba’t ibang samahan ng mga OFW sa buong mundo matapos na mapanood ang mensahe ni Pangulong ­Rodrigo Roa Duterte sa ginanap na webinar na may temang Labor Mobility and Human Rights: Examining Migrant Labor ­Governance in the Middle East.

Ito ay inorganisa ng Department of Foreign Affairs sa ­pakikipagtulungan ng Minisitry of Human Resources and Social ­Development ng bansang Saudi Arabia at International Organization for ­Migration at University of the Philippine-CIFAL.

Sa mensahe ni Pangulong Duterte ay kanyang binigyan diin ang kanyang panawagan na tuluyan nang alisin ang tinatawag na Kafala o Sponsorship System na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ipinapatupad sa mga bansa sa Middle East.

Ang Kafala o sponsorship system ay isang relasyon ng employer at ng trabahante na kung saan ay halos ang lahat ng kilos ay nakasalalay sa kanyang employer. Katulad halimbawa ng pag-uwi sa Pilipinas, ay kinakailangan pa muna kumuha ng permiso o exit visa mula sa sponsor, at kung hindi ito magbibigay ay tiyak na mahaharang lamang ito sa airport.

Sa ilalim ng kafala system ay hindi maari na basta na lamang lumipat sa ibang kumpanya o employer ang OFW kung walang pahintulot ng kanyang sponsor o tinatawag na kafel. Malimit na ito ay ginagawang ­hanapbuhay ng mga kafel na kung saan ay humihingi muna ng kabayaran ang kafel mula sa OFW o sa bago nitong employer bago niya payagan na makalipat sa ibang employer.

Masasabing isa itong modern day slavery. Wala itong pagkakaiba sa mga napapanood na mga lumang pelikula na kung saan ang mga alipin ay ipinagbibili sa harap ng publiko at dun ay magtatawaran ang magiging bagong amo.

Kahanga-hanga ang ginawang paninindigan ng Departmet of Foreign Affairs laban sa kafala system. Taong 2018 pa lamang ay masigasig na nakipaglaban ang grupo nina Usec. Sara Lou Arriola para sa panawagan sa iba’t ibang bansa na tuluyan ng iba­sura ang Kafala system at itrato ang mga OFW bilang kapartner at hindi alipin.

Naging matagumpay ang panawagan na ito ng DFA at unti-unti ay naglabas na ng kanilang bagong patakaran ukol dito ang Bahrain at Qatar. ­Kamakailan din ay nagpakita na rin ng ­intensyon at reporma ang bansang Saudi Arabia. At sa kauna-unahang ­pagkakataon, ang bansang Saudi Arabia ay lumahok sa ganitong uri ng forum upang pag-usapan ang mga repormang ipapatupad upang masiguro ang labor mobility at ­human rights ng mga manggagawa.

Malaking bagay ang ginampanan ni Pangulong Duterte na siya mismo ang personal na nakiusap sa mga bansang pinupuntahan ng mga OFW na tuluyan ng ibasura ang Kafala system upang lalo pang ­mapangalagaan ang patuloy na dumaraming bilang ng mga Overseas Filipino Workers.

Malimit nga na sinasabi ng Pangulong Duterte ay ” The Filipino is no slave to anyone, anywhere and ­everywhere.”

Malinaw pa sa sikat ng araw na patunay na mahal na mahal ng Pangulong Duterte ang mga OFW dahil sa haba ng panahon ay ­ngayon lamang nagkaroon ng pinuno ng bansa na nagbigay ng oras para suportahan ang Department of Foreign Affairs sa ­pakikipaglaban nito para sa kapakanan ng mga OFW.

Binabati ko ang ­aking kaibigan na dating ­Congressman namin sa Makati City na si Secretary Teddy Locsin at si Undersecretary Sara Lou Arriola sa matagumpay na pakikipaglaban. Maaring hindi pa dito matatapos ang laban na ito pero ang importante ay umuusad na ito sa tamang direksyon na matagal nang hinahangad ng bawat OFW.

oOo

Kung mayroon kayong nais ­idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o ­drchieumandap@yahoo.com.

309

Related posts

Leave a Comment