(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
ISANG malaking kahihiyan sa hanay ng mga kapwa abogado ang paglalarawan ng general counsel ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon kaugnay ng diumano’y premature na pagsasapubliko ng isang hatol na ‘di pa nilagdaan.
Sa isang pahayag, pinasaringan ni Attorney George Briones si Guanzon na aniya’y nahaharap sa matinding problemang posibleng magdala sa kanya sa loob ng selda, bukod pa sa mabawian ng lisensya bilang isang abogada.
Paliwanag ni Briones, lumabis ang pagiging garapal ng naturang opisyal sa isang constitutional body na aniya’y wala dapat kinikilingan. Partikular na tinukoy ng de kampanilyang abogado ang pagsasapubliko ng hatol ng Comelec kaugnay ng petisyong diskwalipikasyon sa dating senador, bagay na aniya’y hindi dapat ginagawa ng isang abogadong tulad ni Guanzon lalo pa’t hindi pa pirmado ang nasabing desisyon – kung mayroon man.
Giit pa ni Briones, pagpapamalas ng hayagang paglabag sa panuntunan hindi lamang sa Comelec kundi sa propesyon bilang isang abogado.
“Yan si [C]ommissioner Rowena Guanzon is a big disgrace to the legal profession…alam nyo po mga kababayan ‘yan pong mga desisyon hindi po ‘yan niri-release e…kung hindi pa napirmahan. E alam nyo po ba na kunwari meron kang kaso, merong desisyon…hindi pa ‘yun napro-promulgate, nakakuha ka lang ng kopya…eh sentinsyado ka na po e. ‘yung abogado mo disbarred na e. Siya mismo na huwes na naglalabas ng desisyon na wala naman…ipinipilit n’ya po eh. Makukulong po ito at madidisbar po ito…,” matapang na pahayag sa isang panayam sa radyo kahapon.
Sa aniya’y paulit-ulit na pagpapamalas ng pagiging abusado at adelantada, lubha na rin aniyang nalalagay sa kompromiso ang integridad ng Comelec.
“Wala na pong naniniwala kay commissioner Rowena Guanzon…she violated of judicial ethics. E para po siyang si Justice Antonio Carpio eh… ginagamit ‘yung mga posisyon nila bilang mahistrado para siraan si senator Bongbong Marcos,” dagdag pa ni Briones.
Binigyang diin din ng general counsel ng PFP ang atas ng Korte Suprema – bawal isapubliko ang anomang klasipikadong kalatas, higit lalo kung wala pang pirma ang mga mahistrado.
“Any release of a copy to the public or to the parties of an unpromulgated ponencia in fringes on the confidential internal deliberations of the court…it is settled that internal deliberation of the court are confidential…what commissioner guanzon did is a breached of duty that amounts to a breached of public trust…because the committee believes that the leak was motivated by self-interest.”
Samantala, nanawagan si Briones sa Comelec partikular kay Chairman Sheriff Abas para sa agarang aksyon sa diumano’y kahihiyang ginawa ni Guanzon, bago pa man sumapit ang araw ng pagreretiro nito sa komisyon.
Ibasura
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Larry Gadon na hindi na dapat kilalanin ang boto ni Rowena Guanzon hinggil sa disqualification case ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gadon na nilabag ni Guanzon ang sariling panuntunan ng Comelec sa ginawa nitong pagsasapubliko sa kanyang desisyon hinggil sa disqualification case.
Katulad ng sinabi ni Briones, sinabi ni Gadon na bawal sa isang hukuman na maglabas ng hindi pa pinal o hindi official na desisyon.
Sinabi rin ni Gadon na maaaring tanggalin si Guanzon sa division o suspindehin ng Comelec para hindi na makapag-impluwensya sa kasamahan niyang commissioner.
Bukod dito, maaari rin aniyang ulitin ang pagdinig sa kaso ni Bongbong Marcos dahil sa ginawa ni Guanzon.
Huwebes ng gabi nang ibunyag ni Guanzon sa isang panayam na bumoto siya pabor sa diskwalipikasyon ni Marcos Jr. sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.
Si Guanzon ay bahagi ng First Division ng Comelec na humahawak sa disqualification cases laban kay Marcos Jr. kasama sina Commissioner Aimee Ferolino-Ampoloquio at Marlon Casquejo.
Si Ferolino-Ampoloquio ang ponente ng kaso na siyang inatasan na sumulat ng desisyon sa kaso o petisyon.
400
