LAGUNA – Naitala ng DOH Calabarzon ang bagong kaso ng acute bloody diarrhea sa ilang bahagi ng rehiyon.
Patuloy ang kanilang pagbabantay sa pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit sa probinsya ng Quezon at Rizal na mayroon nang 19 at 13 kaso.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, “The regional office is continuing its disease surveillance and is directly in contact with the local health officials in the provinces. Hindi dapat balewalain ang diarrhea dahil ito ay nakamamatay kung ito ay napabayaan at hindi agad nabigyan ng lunas”.
“Ang kailangang gawin ng mga residente kung mayroong isang miyembro ng pamilya na may diarrhea ay dalhin agad sa pinakamalapit na health facility upang ma-check-up at magamot.”
Pangkaraniwan ang sakit na pagtatae tuwing panahon ng tag-araw. Ang mga taong nakararanas ng acute bloody diarrhea ay nakararamdam ng sakit ng tiyan, dehydration at matubig na pagdumi.
Ang bloody diarrhea ay sanhi ng Escherichia coli na galing sa maruming pagkain at kapaligiran.
Ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit, nakapagtala sila ng 44 kaso ng acute bloody diarrhea mula Enero 1, 2021 hanggang Mayo 15, 2021.
Ang mga ito ay nasa edad isa hanggang 57-anyos, karamihan ay mga kababaihan (52%). Pinakamarami sa mga ito ay may gulang na isa hanggang 10-anyos.
Lalawigan ng Quezon ang naitalang may pinakamataas na kaso sa bilang na 19; sunod ang Rizal, 13; Laguna 8, at 4 sa Cavite. (CYRILL QUILO)
