INANUNSYO ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes na ipatutupad na simula Nobyembre 17 ang adjusted mall hours sa buong National Capital Region (NCR).
Ayon kay Artes, magiging alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi ang bagong oras ng operasyon ng mga mall. Kaugnay nito, tuwing weekend lamang papayagan ang malakihang sale upang maiwasan ang mabigat na trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Nilinaw ng MMDA na exempted sa adjusted hours ang mga restaurants at groceries na papayagang magbukas nang mas maaga. Samantala, papayagan naman ang delivery ng mga perishable items sa pagitan ng alas-11:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.
Kasabay ng nasabing hakbang, ipagbabawal din muna ang paghuhukay sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila simula Nobyembre 17. Gayunman, exempted dito ang flood control projects ng gobyerno, pati na ang mga agarang pagkukumpuni o konstruksyon na may kaugnayan sa pagbaha.
Tatagal ang implementasyon ng adjusted mall hours at road digging ban hanggang Disyembre 25, 2025.
(CHAI JULIAN)
