(NINA J. KABEL, C. QUILO, N. DEL CARMEN AT C. DALE)
NAKAALERTO na ang mga tauhan ng AFP Southern Luzon Command at maging ang kanilang military assets sa posibleng massive evacuation kasunod ng pahayag ng state seismologist na maaaring may mangyaring malakas na pagsabog sa Bulkang Taal.
Nabatid na ipinag-utos ni incoming AFP Southern Luzon Command chief, Maj. General Bartolome Bacarro, kasalukuyang 2nd Infantry Division commander, na may sakop sa Calabarzon, na i-deploy ang kanilang mga tauhan, mga sasakyan at kagamitan sa mga apektadong municipalities sa paligid ng Taal volcano.
Ayon AFP’s Joint Task Group Taal na pinamumunuan ni BGen Rommel Tello, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang ugnayan sa local chief executives para asistehan ang LGUs sakaling may mangyaring Taal volcanic eruption.
Nabatid na ‘on call din’ ang mga tauhan ng AFP SOLCOM habang naka-deploy na ang pwersa ng 2nd Infantry Division at Philippine Air Force’s 730th Combat Group sa affected municipalities ng Batangas.
Ayon sa Phivolcs, posibleng magtagal ang pag-aalburuto ng bulkan at hindi imposible na magkaroon ng malakas na pagsabog kasunod ng pagbuga nito ng bato at usok sa taas na abot sa ilang daang metro noong Huwebes dahilan upang magtaas sila ng alerto.
Ani PHIVOLCS chief Renato Solidum, “Sana hindi matuloy ang mas malalakas pang pagsabog, pero andyan pa rin ‘yan banta na pinapakita ng Taal kasi mas marami pang gas ang nilalabas.”
Posible pa umanong masundan ang paglabas ng volcanic materials ng Taal volcano sa susunod na mga araw, ani Director Solidum, kasunod ng inisyal na paglabas ng abo at nasundan pa ng mas mahihinang volcanic activity sa sumunod na mga oras.
Sinabi pa ni Solidum, hindi dapat maging kampante ang mga mamamayan bagama’t normal lang na nagkakaroon ng mga biglaang pag-alburuto ang isang aktibong bulkan.
Gaya ng naganap na “magmatic intrusion” sa main crater ng Taal, “At 3:16pm, the Taal Volcano Main Crater generated a short-lived dark phreatomagmatic plume 1 kilometer-high with no accompanying volcanic earthquake,” saad ng abiso ng Phivolcs.
Nangangamba umano ang mga ito, lalo na ang nasa coastal barangays, sa nakaambang panganib na dulot ng mga aktibidad ng Taal.
Sa Tanauan City, nakaalerto na rin ang disaster response cluster habang pinaigting ang pagbabantay upang matiyak na walang makalulusot sa danger zones.
Saad ni Jerry Laresma, city information officer ng Tanauan, bukod sa pagpapalikas ng mga residente sa 7-km Permanent Danger Zone, nagpapatrolya rin ang barangay officials at mga pulis.
Namigay na rin ng N95 mask bilang proteksyon kontra sa makapal na abo at usok mula sa bulkan.
131
